JAEN, Nueva Ecija – Magkahalong infrastructure at social services ang mga programa na inilatag ni Mayor Sylvia Austria sa kanyang pagdalo sa kauna-unahang sesyon ngayong 2024 ng sangguniang bayan nitong Lunes.
Sa harap ng mga miyembro ng SB na pinangungunahan ni Vice Mayor Atty. Sylvester Austria at mga department head ng lokal at nasyunal na pamahalaan, ay iniulat ni Austria ang matagumpay na implementasyon ng mga programa na kanyang binanggit sa kapulungan noong nakaraang taon.
“Ikinagagalak kong sabihin sa inyo na sa kabila ng pagharap natin noong 2023 sa napakaraming hamon, matagumpay naman nating naisagawa ang lahat ng programa at proyekto,” sabi ng punong bayan.
Sinabi niya na natapos lahat ng infrastructure projects na ngayon ay pinakikinabangan na ng kanilang mga kababayan sa mas maayos at mas madaling paglalakbay sa mga naipagawang mga lansangan at mga box culvert. “At nagagamit na nila ang mas disente at kumportableng pasilidad,” dagdag niya.
“Patuloy nating naibibigay ang pagpapahalaga, pagkalinga at paghahatid ng episyenteng serbisyo sa ating mga mamamayan,” ani Austria. Nakapagbigay, aniya, sila ng ayuda sa mga senior citizen at nakumpleto ang kanilang apat na quarters na pension.
Nabatid na bawat senior citizen ay tumanggap ng tig-P500 bawat quarter o kabuuan na P2,000 sa isang taon.
Personal na inihahatid ang pension sa mga bed-ridden o hirap nang lumakad upang hindi na nila kailanganing gumawa pa ng authorization letter at masigurado na sila ay nakatatanggap ng pension, paliwanag ni Austria.
Nabuksan na rin aniya ang bagong gusali para sa electronic business one stop shop (eBOSS) kaya’t mas kumportable ang mga taxpayer sa mas mabilis at mas maayos na napo-proseso ang kanilang business permits and licenses.
Malapit na rin daw buksan ang bagong pamilihang bayan, inaasahan na lalong magpapasigla at magpapaangat sa kalakalan dito.
“Ngayong 2024, mas daragdagan at mas i-expand natin ang mga proyekto at programa para tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga mamamayan. Marami tayong mga pangarap na binuo para sa ating mga Jaeñans,” dagdag ng alkalde kasunod ng pasasalamat sa SB para sa buong suporta nito sa kanyang mga programa.
Kabilang sa mga nakalinyang isakatuparan ng LGU ngayon taon ay ang rehabilitasyon ng municipal gymnasium, konstruksyon ng iba’t ibang multi-purpose building, rehabilitasyon at konstruksyon ng mga lansangan, implementasyon ng Supreme Court mandamus sa paglilinis ng waterways sa bawat barangay, pagsasaayos ng mga kanal.
“Para po makasiguro tayo sa ating pagtatagumpay ngayong 2024, ipagpatuloy lang natin ang ating sama-samang pagkakaisa, sama-samang pagtutulungan at sama-samang pagsisikap na makapaghatid ng de-kalidad na serbisyo para makamit natin ang hangad na mas asensong buhay para sa ating lahat at para sa mga susunod pang henerasyon,” sabi ng alkalde.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang SB sa kanyang mga programa.
Bukod sa eBOSS ay pormal ding binasbasan ang limang bagong ambulansiya na ipinamahagi ng LGU sa mga barangay.
Ayon kay Vice Mayor Austria, 20 responders ang sumailalim sa pagsasanay ng Philippine Red Cross samantalang holder ng National Certificate 2 o NC2 ang mga driver ng fully-set up na ambulansiya.
“Mas mabilis at mas episyente na matutugunan ang pangangailangan ng residente ng kani-kanilang barangay at mga kalapit na lugar dahil dito,” sabi pa ng bise alkalde.