Guwardiyado ang daan palabas ng barangay kung saan nakatira ang mga residenteng nagrereklamo na hindi basta makaluwas sa Manila para magtrabaho. Kuha ni Rommel Ramos
BOCAUE, Bulacan — Bagamat umiiral na ang modified enhanced community quarantine sa Kamaynilaan at sa lalawigan ng Bulacan ay hindi basta pinapayagan ang ilang mga residente ng Barangay Batia dito na makaluwas at makauwi ng kanilang mga bahay.
Dahil dito ay nagrereklamo ang mga residente ng Saint Martha na sina Elmer Teodocio, Rebie Fortajada, at Santos Fortajada, dahil sila ay mga nagtatrabaho sa Maynila at hirap na sila sa kanilang kalagayan na hindi naman sapat ang ayuda para sa kanilang pamilya kaya gusto na nilang lumuwas at maghanapbuhay.
Anila, kung papayagan man sila na makaluwas ay hindi naman sila papayagan na basta na lamang makakabalik sa kanilang mga bahay.
Halimbawang nakaluwas sila at makapagtrabaho sa Maynila ay papayagan lamang silang makauwi matapos ang May 31 kung ibababa sa general community quarantine ang Bulacan.
Paliwanag naman ni Analyn Bernardo, officer-in-charge sa barangay Batia, inaalala lamang nila ang kapakanan ng mas nakakaraming residente kaya ganito ang kanilang pinaiiral na patakaran.
Aniya, baka kasi ang luluwas sa Kamaynilaan kung saan maraming naiuulat na insidente ng pagkakasakit ng Covid-19 ay makapag-uwi ng virus sa kanilang mga pamilya pagkagaling sa trabaho.
Papayagan naman nila na makaluwas ang mga residente kung may maipakita ang mga ito na certificate of employment, company ID at patunay na may tutuluyan doon dahil hindi muna nila talaga ito papauwiin ng barangay.
Hindi rin talaga na pinapayagan na mag-uwian ang mga nagtatrabaho doon hanggang nasa ilalim ng MECQ ang lalawigan.
At kung maka-uwi na ang mga nagtrabaho dito mula sa Maynila ay kinakailangan pa nilang sumailalim sa 14-day home quarantine upang matiyak na walang naiuwing sakit ang mga ito.