Bukas na pamamahala.
Ito ang prinsipyo ng Freedom of Information (FOI) bill na nagiging kabalikat ng Judicial Bar Council sa pagsala ng mga nominado para sa susunod na chief justice.
Ang kabutihan ng bukas ng pamamahala ay napatunayan sa apat na buwang impeachment proceedings na natapos nitong Mayo 29.
Hindi nga naman madaling makalulusot ang katiwalian kung bukas sa publiko ang mga rekord ng mga opisyal, tulad ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Ang pagsumite ng SALN ay kinailangan ngayon sa nominasyon para sa punong mahistrado.
Heto pa.
Dahil isina-publiko na ang dating “closed-door” na JBC proceedings, nakibahagi na rin ang taumbayan sa panel interviews sa pamamagitan ng twitter. Nakapagtanong ang taumbayan sa mga nominado at natunghayan ang pagsagot nila sa TV.
Ito ay isang pag-angat sa karapatan ng mamamayan na makilahok sa mga usaping pang-gobyerno.
Ngayon ginagamit ng taumbayan ang electronic media sa paghayag ng mga mithing pagbabago.
Dahil na rin sa pagsasa-publiko ng JBC proceedings, nadaragdagan ang kaalaman natin sa mga demokratikong prosesong kaloob ng Saligang Batas. At nagiging mas matining ngayon ang mga panawagan para sa patas at makataong hustisya.
Mapapansing masugid ang taumbayan sa pagsubaybay sa usapin hinggil sa pagpili ng susunod na pinuno na Hudikatura, gayun din sa mga dapat baguhin sa paggulong ng hustisya upang mapabilis ito.
May mga nagsasabing kailangan ang “Renewal From Within (The Judiciary).” Dito pumapaimbulog ang mga kuru-kuro na dapat manggaling ang susunod na chief justice sa hanay ng mga “senior justices” upang magmula mismo sa Korte Suprema ang mga pagbabago.
May mga opinyon ding makabubuting “outsider” naman ang mamuno sa Hudikatura na, kahit ‘di nakagawian, ay baka ito pa ang maging susi sa ganap na pagbabago rito.
Pero ang tanong ng taumbayan: Ano ba ang prayoridad sa ngayon?
Sinagot ito ng mga nominado. At ang simpleng sagot nila ay pagbabago. May diin sa pagkakaloob ng hustisya maging sa mga mahihirap na binubuo ng 90% ng populasyon.
Ngunit alam ng lahat na bagamat madali itong sabihin, mahirap namang tuparin. At ito ang malaking hamon para sa susunod na chief justice.
Kaugnay nito, paano ba lilinisin at i-aangat ang antas ng ating Criminal Justice System na binubuo ng mga (1) hukuman, (2) prosekusyon, (3) penolohiya (bilibid), at (4) law enforcement, sa tulong ng (5) komunidad.
Paano maiiwasan ang “suhulan” sa mga hukuman, ang pag-dismiss ng mga kaso pabor sa akusado, ang pagbubulag-bulagan sa mga ebidensya?
O ang pagdiin sa akusado kahit ‘di sapat ang ebidensya upang maitala ito bilang “solved” at makataas sa crime solution efficiency.
Ano ba ang hitsura ng ating mga hukuman? Ang mga piskalya? Maayos ba at malilinis ang mga naturang tanggapan, lalo na sa mga lugar na malayo sa mga kabisera?
May sapat bang mga pasilidad, tulad ng mga computer, telepono, fax machine, at copiers na ginagamit sa pagdo-dokumento ng mga kaso?
Sa penolohiya: paano magiging makatao ang kalagayan sa lahat ng piitan? Sapat ba ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga preso?
Kumakain ba sila ng tama at tama din sa oras? Pantay-pantay ba ang pagtrato sa kanila? Maayos ba ang seguridad dito?
Sa law enforcement: paano mai-aangat ang teknolohiya sa pagtukoy, pagsuri, pagkalap, at pag-iingat sa ebidensya? Paano makatitiyak na hindi tatanggap ng pabor ang mga alagad ng batas mula sa mga operator ng mga ilegal na aktibidad sa kanilang mga nasasakupan?
Habang dinadaanan natin ang bukas na prosesong ito, ang isang film documentary na may titulong “Give up Tomorrow” tungkol kay Paco Larrañaga, isang naakusahan at nasentensyahan ng kamatayan dahil sa dalawang magkapatid sa Cebu ang ginahasa at pinatay ang napag-uusapan ngayon sapagkat ito ay isang malungkot ng komentaryo sa ating sistema ng hudikadura.
Palagay ko, mapag-iisip talaga tayo at sinumang bagong Chief Justice na uupo kapag napanood ng buo ang pelikulang ito.
Pero mabalik ako, pasensya na mga kabalen kung para akong sirang plaka, subali’t nais kong ulit-ulitin, ang simbolo ng tunay na demokrasya ay bukas na gobyerno.
Sa ngayon, mas malaki ang pag-asa natin na magiging karapat-dapat sa posisyon ang susunod na Chief Justice, dahil na rin masugid nating sinusubaybayan ang isyung ito.
Ngunit para makatiyak na magpapatuloy ang mga pagbabago – sa Hudikatura o maging sa dalawa pang sangay ng gobyerno, sa Ehekutibo at Lehislatura, sinuman ang mga susunod na lider ng bansa – kailangan na ring isabatas ang FOI bill.
Ito ang magiging garantiya nating magiging patuloy ang gobyerno sa pagtahak sa tuwid na daan kahit sinuman ang maupo sa Malacañang, Hudikadura o Lehislatura.