Principal suspek sa pagpaslang sa ex-Journal employee arestado

    377
    0
    SHARE

    CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan—Hindi na pumalag ang pangunahing suspek sa brutal na pagpatay sa isang dating empleyado ng Peoples Journal nang siya ay arestuhin ng pulisya ng Marilao sa isang fastfood sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

    Kinilala ni Senior Supt. Allen Bantolo, OIC director ng pulisya sa Bulacan ang suspek na si  Jesus Bernardino y Santos, 50, isang VIP security na isa ring reservist sa Armed Forces of the Philippines, at nakatira sa Heritage Homes, Barangay Loma de Gato, Marilao, Bulacan.

    Ayon kay Supt., Lailene Amparo, hepe ng pulisya ng Marilao, si Bernardino ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Candido Belmonte ng Regional Trial Court Branch 22, dahil sa pagpatay kay Andy Nubla, isang dating empleyado ng Peoples Journal, at pagkasugat kay Rogelio Orias, kapwa residente ng Heritage Homes  noong Enero 12, 2007.

    Narekober ng mga pulis ang isang  9mm caliber pistol at mga bala mula sa suspek kasama ang isang ID card bilang isang reservist.

    Batay sa tala ng pulisya, nagkukuwentuhan ang dalawang biktima noong gabi ng sila ay sugurin ng suspek kasama ang 17 iba pa na hinihinalang nasa ilalim ng impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.

    Ayon sa pulisya, armado ng mga pamalo tulad ng baseball bat at baril ang mga suspek kaya’t paglapit pa lamang kay Nubla ay pinalo na ito sa ulo. 

    Hindi pa nasiyahan ang isa sa mga ito at binagsakan pa ng barbel na yari sa pinatigas na semento ang ulo ni Nubla na ikimanatay noon din.

    Nagtamo naman ng isang sugat sa kanang hita si Orias sanhi ng tama ng baril dahil sa insidente.

    Ikinagalak ng pamilya ni Nubla ang pagkaka-aresto kay Bernanrdino ngunit sinabi ni Divina, asawa ni Nubla na 16 pa ang kailangang mahuli.

    Sinabi rin niya sa Punto! na sa loob ng halos dalawang taong pagtatago ni Bernardino ay nakatanggap sila ng mga pananakot upang iurong ang kasong kanilang isinampa laban sa mga ito.

    Isa sa mga kasama ni Bernardino ang nauna nang nadakip ng pulisya na nakilalang si Frederick Lalusis, 28.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here