LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi pinapasok sa Legacy Memorial Park ang mga dadalaw sa puntod ngayong Undas dahil baha sa loob nito at iniiwasan umano ang peligro ng electric shock.
Batay sa nakapaskil na anunsyo, dahil sa pag-ulan dulot ng nagdaang bagyong Paeng at pagpapakawala ng tubig ng Bustos Dam ay posible pa rin ang pagbaha na bagamat pinatay na ang linya ng kuryente ay malaki pa rin ang posibilidad ng electric shock kayat ipinagbabawal muna ang pagpasok sa loob ng nasabing sementeryo.
Dahil dito nagalit ang mga dadalaw sa puntod at nagulat sa aksyon ng pamunuan ng Legacy Memorial Park.
Ang iba ay nadismaya at umalis na lang habang ang iba ay maghapon na nagbantay sa labas ng sementeryo at nagpupumilit na makapasok para makapag-alay ng kandila at bulaklak sa puntod gaya ni Monalissa Villanueva at Andrelin Pintiatura na galing pa sa Lungsod ng Meycauyan na nagulat nang hindi sila papasukin sa sementeryo.
Ngunit naging madiin ang pagbabawal ng pagpapasok sa Legacy Memorial Park at mag-aalas-2 na ng hapon nang buksan ang sementeryo at papasukin ang mga naroon at payagan na makadalaw sa puntod.