SAN JOSE CITY – Pinaiimbestigahan ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. ang reklamo
hinggil sa di-umano'y napakataas na presyo ng kuryente sa lungsod na ito.
Sa liham ni Jaime Mangilin, director IV ng Presidential Complaint Center,
hinihingan na ng komento at pinaa-aksiyon ang National Electrification
Administration (NEA) kaugnay mg reklamo ni dating Nueva Ecija 2nd District
board member Joseph Ortiz sa presyo ng kuryente ng San Jose Electric
Cooperative (Sajelco).
May petsang Aug. 4, 2022 ang liham ni Mangilin sa NEA na base sa sulat ni Ortiz
ay naisapubliko ngayon.
Sa kanyang sulat ay hiniling ni Ortiz ang tulong ng pangulo dahil mula sa P14/kwh
noong Abril ay patuloy aniya itong tumataas. "Ang paliwanag po ng Sajelco ay
eksklusibo silang naka-kontrata sa Masinloc Coal Fired Power Plant at ang taripa
na kanilang ipinatutupad o ang pagtaas nila ay nakabase sa singil ng planta," ani
Ortiz sa liham sa pangulo.
Ang patuloy na pagtaas ng halaga mg kuryente ay maaaring makaapekto sa
presyo ng bigas na galing sa lungsod kung saam may 33 ricemill, dagdag niya.
"Mahal na Pangulo, nakikiusap po kami na mamagitan ang pamahalaang nasyunal
hinggil sa aming suliranin dahil labis na apektado po kaming lahat dito sa Lungsod
ng San Jose," saad sa sulat ni Ortiz.
Kaugnay nito ay hiniling ni Mabilin sa NEA ang mabilis na tugon.
"Expeditious action is requested in accordance with the provisions of Republic Act
No. 11032, otherwise known as the Ease of Doing Business and Efficient
Government Service Delivery Act of 2018 as implemented and enforced by the
Anti-Red Tape authority," sabi ni Mabilin sa NEA.