Home Headlines Presyo ng galunggong umakyat, supply ng tamban nawawalan

Presyo ng galunggong umakyat, supply ng tamban nawawalan

584
0
SHARE

SAMAL, Bataan — Umakyat ang presyo ng galunggong samantalang nawawalan ng supply ang isdang tamban sa palengke dito.

Ayon kay Lormie Pablo, tindera ng isda sa Samal public market, mula sa dating P200 ang kilo ng galunggong, umakyat ito sa P240 ngunit mabuti naman, aniya, at sariwa ang mga ito.

“Walang dating ng tamban na kung minsan pana-panahon na hindi kagaya ng galunggong na palaging mayroon,” sabi ni Pablo. Sa Maynila raw nanggagaling ang mga ito. May nagsasabi na mula naman ito sa Malabon, Metro Manila.

Ayon naman kay Edlyn Rosales, isang lider ng mga mangingisda sa Orion, Bataan, ang tamban ay nahuhuli sa Manila Bay pero sa ngayon ay seasonal lamang umano ito at wala ngayong supply nito sa Bataan. Ang galunggong naman, aniya, ay mas sa parte ng West Philippines Sea nanggagaling.

Sinabi ni Pablo na napakalaking epekto sa kanila ng pagtaas ng halaga ng krudo at gasolina tulad ngayon na muling tumaas.

Ang bangus, aniya, ay P200 kada kilo na ang bentahan ngayon mula sa puhunan nilang P170 na dating P150 lamang.

Ang presyo ng krudo na karaniwang gamit sa mga bangkang malalaki ay P77.90 bawat litro simula ngayong Martes o karagdagang P6.10 sa P71.80 noong Lunes.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here