Home Headlines Presyo ng bigas sa Balanga City bumaba; kamatis biglang tumaas

Presyo ng bigas sa Balanga City bumaba; kamatis biglang tumaas

567
0
SHARE

LUNGSOD ng Balanga: Bumaba ang presyo at marami nang mapagpipiliang bigas sa Balanga City Public Market sa Bataan kaya maganda umano ang bentahan ngayon.

Sinabi nitong  Huwebes ni Marilou Dela Rosa, isa sa mga may-ari ng rice stall, na ang presyuhan ng bigas ngayon ay nagsibaba na dahil marami na ang aning palay galing sa Pangasinan, Tarlac at Nueva Ecija.

Marami na, aniyang, mapagpipilian na malalambot na bigas na ang dating presyo na P1,500 per 25-kilo bag ay P1,450 na lamang at ang dating P1,350 ay P1,300 na.

“Dati wala kaming presyo na P50 isang kilo pero  ngayon nakakapagbigay na kami na dating P52.  Ang dati namang P54 ay nabebenta na namin ngayon ng P52 per kilo kasi marami ng dumadating na bagong aning bigas na magaganda na at malalambot pa,” sabi ni Dela Rosa.

Nakapagbaba umano sila ng presyo dahil mababa na ang bagsak sa kanila ng mga supplier ngayon.

“Mas maganda na ang bentahan  ngayon kaya nakakapagbenta na sa mga bara-barangay ng mababang presyo.  Dati nagbebenta sila ng  P64, ngayon P60 na lang  dahil mababa na kasi ang mga dumarating na bigas saka magagandang klase at malalambot,” sabi ni Dela Rosa.

Inaasahan daw na mas bababa pa ang presyo ng bigas pagsapit ng Marso dahil parami na mag-aani.

Samantala, nagugulat ang mga tindera sa vegetable section ng Balanga City Public Market kung bakit biglang tumaas ang presyo ng kamatis.

Sinabi ngayong Huwebes ni Eliza Eviado, may-ari ng vegetable stall, na nagbababaan ang halaga ng ibang gulay bukod tangi na ang  sa kamatis lang ang tumaas bago magtapos ang Enero.  “Ang dating P50 bawat kilo, ngayon naging P80  – P100 na kaya ang bentahan minsan ay P120 na.”

Hindi maipaliwanag ni Eviado kung bakit biglang nagmahal ang kamatis na, aniya’y. galing sa Nueva Ecija, Baguio City at Divisoria. Maaaring wala raw supply o walang ani.

“Buwan pa ng Mayo sana ang taas niyan eh kaya lang bakit ang aga – aga tumaas. Dapat anihan ng kamatis ngayong Enero at Pebrero pero bakit tumaas na presyo,” tanong ni Eviado. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here