Si Marinel Palaypay sa kanyang panawagan kay Pangulong Duterte. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Nanawagan ngayong Martes ang mga tindera ng karne ng baboy sa Bataan na tulungan sila ng Pangulong Duterte na mapababa ang presyo ng baboy hindi sa palengke kundi sa piggery sapagka’t mahina ang kanilang benta.
“Hindi ayos, kasi mahal,” sagot ni Marinel Palaypay sa tanong kung kumusta na ang benta nila ng karne ng baboy.
Si Palaypay ang tumayong tagapagsalita ng mga nagtitinda ng karne ng baboy sa Balanga City Public Market.
Ang benta umano nila ay P350 hanggang P370 isang kilo dahil ang kuha nila ng live weight sa Tarlac ay P215 hanggang P220.
“Hindi pa kami makakasunod sa price ceiling na P270 dahil live weight ng baboy P220. Matatalo kami dahil pagkuha namin puro patong pa yon. Namumuhunan na kami ng P300,” sabi ni Palaypay.
Hindi raw sila hihinto sa pagtitinda dahil wala silang pagkukunan.
“Mahal na Pangulo, sana bumaba ang presyo ng baboy kasi mahal ang kuha namin sa piggery. Kailangan doon kayo magbaba hindi sa palengke. Hindi namin kakayanin ang P270,” panawagan ni Palaypay.
Sinabi ni provincial veterinarian Dr. Alberto Venturina na sa pagkakaalam niya ang P270 price ceiling ay para sa mga nagtitinda sa Metro Manila at hindi pa kasali ang Bataan.
Nagmungkahi siya na kung binigyan ng price ceiling ang baboy ay baka puwedeng ma-konsider din ang mga inputs tulad ng feeds.
“Kasi mataas ang presyo ng feeds na ang ibig sabihin kapag mataas ito, ang mangyayari saan babatakin ng nag-aalaga ng baboy ang presyo. Siyempre doon sa feeds na kinonsumo nila at sa iba pang logistics at biologics,” sabi ni Venturina.
“So, bigyan siguro ng pansin, tingnan din kung puwedeng pababain ang presyo, partikular ng feeds at baka sakaling mapababa rin ang presyo ng baboy,”dagdag pa ng provincial veterinarian.
Ayon kay Venturina, meron pa namang nabibiling karne ng baboy sa mga palengke sa Bataan: “Meron pa rin kaunting local supply at ang iba nanggagaling outside the province na kumpleto ng mga permit.”
Kung siya raw ang masusunod, mas gusto niya na mababa ang presyo ng karne ng baboy kaysa umiiral na P350 hanggang P370 pero talagang aabot daw ng ganoon ang halaga.
“Malaki ang damage sa ating pig industry ng African swine fever. Halos 80 percent ng ating magbababoy nawala. Talagang mahirap ang supply,” sabi nito.
Mabibilang na lamang, ani Venturina, sa daliri ang naiwang commercial farms sa Bataan na dati mahigit sa 80. Sa ngayon, aniya, meron na lamang dalawa sa Orani at tig-iisa sa Balanga City, Limay, at Samal.