Pressing 4 Excellence

    602
    0
    SHARE
    Napapanahon ang temang “Pressing 4 Excellence” para sa ika-4 na taong anibersaryo ng pahayagang Punto Central Luzon.

    Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng buhay ng tao ngayon, maging ang paglilingkod ng mga halal at pinuno ng bayan, at maging ng pamamahayag sa bansa.

    Ilan ba sa atin ngayon ang nagsasabing mas umunlad ang kanilang pamumuhay kumpara sa mga nagdaang panahon? At ilan sa mga pinuno ng bayan natin ngayon ang naglilingkod ng tunay at hindi para sa kanilang muling pagkandidato sa susunod na halalan?  Mabibilang natin sa daliri?

    Sa larangan ng pamamahayag, ilan sa atin ang patuloy na nagsisilbing tagapaghatid ng tinig ng mamamayan sa pamayanang ating pinaglilingkuran. 

    Mas madalas, ang tinig ng mga opisyal na ating isinasatinig kaya’t mas madalas nating naisusulat ang “ayon kay mayor,” at “ayon kay hepe.”  Ayun, nakalimutan ang taumbayan.

    Ang pagdiriwang ng ika-4 na taong pagkakatatag at paglalathala ng Punto Central Luzon ay hindi lamang para magsaya dahil sa nalampasan nito ang mga hamon sa pamamahayag sa nagdaang apat na taon.  Ito ay isang daan upang muling ipabatid sa madla ang paninindigan ng bawat isa sa likod ng pahina ng pahayagang ito para sa malaya, responsable at mataas na antas ng pamamahayag, walang kinatatakutan, walang sinasanto.

    Ito ang paninindigan para sa “Pananaw ng Malayang Pilipino”, ang nagsisilbing motto ng Punto Central Luzon na laging nakabandera sa ilalim ng masthead nito.

    Maraming dapat ipagpasalamat ang Punto Central Luzon sa panahong nagdaan. Kabilang dito ang pagkabilang ng Punto sa mga finalist sa taunang Community Press Awards noong 2009 ng Philippine Press Institute (PPI); ang walang patid nitong paglalathala (dahil hindi lahat ng pahayagan ay tumatagal ng isa, dalawa, tatlo o apat na taong pamamahayag); ang pagpasok nito sa internet sa pamamagitan ng Punto website (www.punto.com.ph), maging sa Facebook.com, at ngayon ay ang pagkikipagsanib nito sa website ng Philippine Star (www.philstar.com) na inaaasahang maghahatid ng mas malaking internet traffic sa website ng Punto.

    Hindi rin mapapasubalian ang sipag at tiyaga ng mga tao sa likod ng Punto, kabilang dito ang mga namamahala sa tanggapan, mga patnugot, mga kasapi ng marketing, mga distributor, at mga correspondent na kahit naaantala ang suweldo ng apat na buwan ay patuloy sa pagkalap at pagsasaliksik ng balita umula’t umaraw, may pamasahe o wala.  Kung minsan ay nabibigyan pa ng premyong pagbabanta sa buhay.

    Hindi lang sa Punto nangyayari ang ganitong sitwasyon, kaya’t marami ang nagtataka kung bakit nananatili ang mga mamamahayag sa katulad na kalagayan. Mahal lang po namin ang aming trabaho, bukod sa naniniwala kami na tapat ang mga namamahala sa aming pahayagan, partikular na ang Punto, at umaasa ang mamamayan na may mababasa silang balita na aming hatid.

    Nagsimula ang Punto bilang isang pang-araw-araw na pahayagan—inilalathala mula Lunes hanggang Biyernes. Ngunit sa nagdaang taon, tatlong beses na lamang isang linggo ito kung ilathala. Isang management decision iyan upang higit na matiyak na hindi matitigil ang pamamahayag ng Punto.

    Ngunit sa kabila ng tatlong beses na paglalathala nito bawat linggo, angkin pa rin ng Punto ang karangalan bilang nangungunang pahayagan sa rehiyon. Madalas pa ring maka-iskup. Sa susunod, maaaring angkinin na rin ng Punto ang lahat ng karangalan sa PPI dahil ito ang nag-iisang kasaping pahayagan na inilalathala tatlong beses isang linggo. (Ang mga kasaping pahayagan ng PPI ay inilalathala araw-araw o lingguhan, katulad ng pahayagang Mabuhay sa Bulacan).

    Sa nagdaang apat na taon, ang Punto ay sandigan ng paninindigan sa katotohanan at walang takot na pamamahayag.  Kung ang ibang mamamahayag at pahayagan sa rehiyon ay naglathala ng balitang walang  open dumpsite sa Pampanga, ang Punto Central Luzon ay nagtungo sa basurahan ng Lungsod ng San Fernando upang ilahad ang katotohanan na lingid sa ibang mamamahayag at pahayagan.  Ito ay hindi isang paninira, kundi pagtawag ng pansin sa mga namumuno upang ituwid ng pagkakamali at sukatin ang ipinagmamalaking kagalingan ng mga namumuno. Sa ibang salita, isinatinig lamang ng Punto ang pananaw ng malayang Pilipino.

    Walang sinasanto ang Punto sa pamamahayag.  Sabi nga, bato-bato sa langit, tamaan ay huwag magagalit. Ayun, may tinamaan, nakayas ang balat na yari sa sibuyas; nagdemanda ng pikit mata at ang tanging nakita ay ang Punto.

    Ang Punto ay hindi isang armas na katulad ng tabak ni Damokles. Ito ay isang daluyan ng malayang talakayan. Bilang patunay, naging bahagi ang Punto sa maayos na pagsasagawa ng palarong Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) sa unang bahagi ng taon sa Bulacan. Inilahad ng Punto ang mga problema na agad na inaksyunan ng pamunuan ng Bulacan na kumikilala at nagtitiwala sa kredibilidad ng pahayagang Punto Central Luzon.

    Marami pang kuwento, ngunit hindi sapat ang bilang ng pahina sa edisyong ito. Sa huli, isang pagbati sa pahayagang Punto sa ika-apat na taong anibersaryo.  Keep on pressing for excellence. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here