Bago maghalalan ay gumagasta na
Ng thousands of pesos sa TV ads nila
Itong apuradong makapangampanya
Sa pamamagitan ng mga pasimpleng
Infomercials nila na malimit nating
Makita sa TV’t napapakinggan din
Sa Radyo – at saka mga babasahin.
Tulad halimbawa ng kay Win at Alan,
Na ngayon pa lang ay sinimulan na n’yan
Ang pagpapa-ere ng kung ano lamang
Para sila ay madaling matandaan?
At kapag sila ay kilalang-kilala
Na ng taongbayan madali-dali na
Ang panalo sukdang gumastos kumbaga
Ng milyones para sa pangangampanya?
At kung saan dahil lang sa infomercial,
Na noon pa man ay pinagkagastahan
Na nga ng marami bago maghalalan,
Panalo man, talo ang bulsa sa laban.
Kaya i-multiply man ng ilang beses
Ang sasahurin n’yan sa Senate o Congress,
Di pa rin bawi sa kanilang expenses
Ang kahit na sinong nanalong candidate.
Gayon din naman sa mga panglokal na
Puesto sa gobyerno, yan kapag sumobra
Ang dapat gastusin sa paghabol nila,
Ano pa bang ating maasahan tuwina?
Kundi ng corruption at pag-gawa pati
Ng pagkaperaan imbes pagsisilbi
Ng tapat sa bayan, laging pangsarili
Ang inaatupag nila bandang huli.
Kaya naman, hayan walang pinagbago
Ang lahat na dahil sa naturang punto,
Kung saan ang rehimen ni BS Aquino
Ang pinaka-grabe sa lahat siguro
Ng Administrasyong ating nadaanan
Mula kay Magsaysay at hanggang kay Ginang
Gloria Macapagal-Arroyo – (na ayaw
Niyang pahintulutang i-house arrest na lang
Gayong hindi pa nga convicted kumbaga
Sa kung anong charges ng administrasyon niya,
Na ganyan din naman itong nakikita
Nating hantungan n’yan kapag minalas siya)
At hindi kabagang niya ang maluklok
Sa Palasyo pagka-baba niyang lubos,
Kung kaya marahil itong kanyang manok
Na si Mar Roxas ang pilit iaalok;
Niyang makapalit d’yan sa Malakanyang
Upang sa gayon ay ipagpatuloy niyan
Ang napasimulan niyang “Tuwid na Daan,”
Na bumaluktot din naman kalaunan?
Sanhi nitong iba’t-ibang anomalya
At grabeng corruption na di alintana
Ng Palasyo pagkat alipores niya
Ang mga dorobo at piling kasangga.
At ang mitsa nitong nasabing nakawan
Ay dili’t iba ang sobrang pag-gasta riyan
Sa pangangampanya, kaya suma-total
Ang nabuburiki ay Kaban ng Bayan?