Si punong barangay Ernesto de Luna habang inaasikaso ang mga lumikas sa Capunitan Elementary School. Kuha ni Ernie Esconde
ORION, Bataan — Patuloy ang preemptive evacuaton na nagsimula Miyerkules ng hapon ng mga naninirahan sa tabi ng dagat dito tulad sa Barangay Capunitan dahil sa pangamba sa daluyong na dulot ng bagyong Ulysses.
Ayon kay Ernesto de Luna, barangay chairman ng Capunitan, may 200 pamilya na ang nasa Capunitan Elementary School, isa sa itinalagang evacuaton center sa barangay at “madadagdagan pa ito dahil marami pang dumarating.”
Ang mga lumilikas ay mula umano sa Sitio Depensa na talagang delikado sa paglaki ng mga alon. “Kapag may storm surge ay sila ang mga apektado,” sabi ng punong barangay.
Wala raw problema sa pagkain dahil bahala ang Department of Social Welfare and Development at ang munisipyo sa ilalim ni Mayor Antonio Raymundo.
Sinabi ni Ralyn Espinosa, isa sa mga evacuees, na maaaring wala silang problema sa pagkain sa evacuation center ngunit sa labas ito ang malaking suliranin nila ganoon din ang gatas para sa bata dahil wala siyang hanapbuhay bilang solo parent ng isang batang inampon niya.
“Hiling ko na magkaroon ng hanapbuhay. Dati kasi akong manikyurista. Noong wala pang pandemic, kumikita ako ngayon hindi na, wala na,” sabi nito.
Aniya, noon ay P800- P900 ang kita niya sa isang araw pero ngayon ay P100 o P200 na tama lang panggatas ng bata.
Patuloy ang dating ng mga lumilikas sa paaralan na may dalang banig, kumot, kutson, unan, inuming tubig at may iba na ang pasan ay telebisyon.