SAMAL, Bataan — Masiglang ginanap ang isang Zumba nitong Biyernes bilang paunang selebrasyon ng Araw ng mga Puso sa Pebrero 14 ng Barangay Sta. Lucia sa bayang ito.
Namayani ang kulay pulang T-shirt o blouse na suot ng karamihan sa mga lumahok na pansamantalang pumuno sa kalsadang katapat ng barangay hall. Kabilang ang mga bata sa masayang yugyugan.
Tinagurian itong “Zumba Lucia” na sa bawat pagtatapos ng isang tugtog ay masayang nagsisigawan ang mga kalahok.
Ayon kay punong barangay Hector Forbes, ang Zumba ay nagsilbing paglulunsad din ng dance for fitness program sa Sta. Lucia bilang bahagi ng “Healthy Barangay program” na inilunsad.
Ang pagkakaroon ng malulusog na mga residente ng barangay ay adbokasiya, ani Forbes, ng pamahalaang bayan ng Samal sa pangunguna ni Mayor Alex Acuzar at ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Gov. Jose Enrique Garcia III.
Hinimok ni Samal Vice Mayor Ronnie Ortiguerra ang kanyang mga kababayan na maging bahagi ng kanilang buhay ang tamang ehersisyo upang manatiling malusog at masaya.
Pinangunahan ang Zumba nina Ortiguerra, konsehales Erval Flores at Rhina Saldaña, Forbes at mga kagawad, barangay health workers, barangay tanod at iba pang opisyal ng Sta. Lucia.
Matapos ang Zumba, nagkaroon ng raffle kung saan ang mga masuwerte ay nag-uwi ng cake, capiz product, customized mug at iba pa.
Bukod kina Ortiguerra, Flores at Saldaña, pinagkalooban din ng certificate of appreciation ang negosyanteng si Emma Cagang dahil sa kanilang pagsuporta sa barangay.