Si S/Sgt. Jonel Nuezca na nakasuot ng bughaw na PPE nang humarap sa pre-hearing conference. Kuha ng PNP-IAS
PANIQUI, Tarlac — Natapos nitong Lunes ang pre-hearing conference na isinagawa ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police para sa kasong administratibo laban kay Police Staff Sergeant Jonel Nuezca dahil sa pagpatay sa mag-inang Gregorio na nag–viral sa social media ang video ng pamamaril.
Pinangunahan ni Atty. Cristina Alcantara, provincial director ng IAS Bulacan at itinalagang summary hearing officer, ang pagdinig sa kaso ni Nuezca.
Sa magkahiwalay na lugar isinagawa ang pagdinig para kay Nuezca at sa panig ng mga saksi.
Isinagawa ang pagdinig para sa mga saksi sa conference room ng Paniqui Municipal Police Station habang sa BJMP ng Paniqui ang kay Nuezca.
Minarkahan sa pagdinig ang mga ebidensya at testimonya ng mga saksi sa pangyayari tulad ng kumuha ng video na itinago sa pangalang “Kei,” 16- taong gulang, at ang may-ari ng cell phone na “Alyas Ton-Ton.”
Inilabas muli pansamantala ng Paniqui Municipal Jail si Nuezca na nakasuot pa ng PPE bilang mandatory procedure para humarap sa pagdinig.
Naroon din ang maybahay ni Nuezca at menor de edad na anak nito na kasama nito sa video nang maganap ang pamamaril.
Nagsumite si Nuezca ng kanyang counter–affidavit na naglalaman umano ng pagtanggi nito sa krimen.
Naging testigo din ni Nuezca ang kanyang menor de edad na babaeng anak na kasama nito sa video.
Ayon kay Alcantara, natapos na ang pre-hearing conference ng kaso at wala nang kasunod pang pagdinig na ikinasa para dito.
Base daw sa isinumite na counter–affidavit ni Nuezca ay itinatanggi nito ang nangyaring krimen.
Matapos ang pagdinig kahapon ay pinagsusumite ng position paper ang magkabilang panig.
Isusumite nilang lahat ito kay PNP chief Gen. Debold Sinas bago maglabas ng resolusyon para sa naturang kaso na planong tapusin sa loob ng 30-araw.
Hindi na nagbigay ng pahayag si Nuezca sa media pati na ang pamilya nito maging ang kampo ng pamilya Gregorio.