Home Headlines Prayoridad para sa ikalawang termino ni Gob. Fernando, inilatag

Prayoridad para sa ikalawang termino ni Gob. Fernando, inilatag

491
0
SHARE
Panunumpa ni Daniel Fernando para sa ikalawang termino bilang Gobernador ng Bulacan. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Inilatag ni Gobernador Daniel Fernando ang kanyang mga prayoridad para sa kanyang ikalawang termino.

Kasabay niyang nanumpa sa tungkulin ang bagong Bise Gobernador na si Alex Castro at mga bagong halal na Kongresista na sina Danilo Domingo ng Unang Distrito, Lorna Silverio ng Ikatlong Distrito, Linabelle Ruth Villarica ng Ikaapat na Distrito at Ambrosio Cruz Jr. ng Ikalimang Distrito.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Fernando na paiigtingin ng pamahalaang panlalawigan ang pagkilos upang lalong mapatatag ang lokal na ekonomiya na ngayo’y bumabangon na mula nang tumama ang pandemya sa COVID-19.

Isasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagtutok sa seguridad sa pagkain, malawakang paglikha ng trabaho, seryosong pangangalaga sa kalikasan at tunay na serbisyong pangkalusugan para sa lahat.

Panunumpa ni Daniel Fernando para sa ikalawang termino bilang Gobernador ng Bulacan. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

Sa seguridad sa pagkain, nakatakdang buksan ngayong taon ang bagong tayo na Farmers and Fisherfolks Training Center na nasa bakuran ng Kapitolyo.

Dito sasanayin sa mga aspeto ng teknikal at makabagong teknolohiya ang mga magsasaka at mangingisda.

Sisimulan na rin ang pagsasakatuparan ng isang Food Multiplier and Productivity Center sa bayan ng Donya Remedios Trinidad kung saan magsisilbing aktwal na laboratoryo sa mga sasanaying magsasaka at mangingisda.

Ito rin ang magiging partikular na pasilidad ng pamahalaang panlalawigan upang makapagparami ng iba’t ibang suplay ng pagkain na hindi na kailangang bumili pa.

Ayon sa gobernador, kasabay ng pagkalinga sa mga Bulakenyo ngayong may pandemya pa, nakita ang lalong kahalagahan na may tiyak na mapagkukuhanan ng pagkain.

Pangalawa sa pagpapaigting ng produksyon ng pagkain ang malawakang paglikha ng trabaho.

Bukod sa pagpapatuloy ng pagsasagawa ng buwanang Jobs Fair, mismong ang Kapitolyo ang maglalatag ng mga istratehiya upang makalikha pa ng mas maraming mga bagong trabaho.

Target ni Fernando sa susunod na tatlong taon na maipaupa sa mga mamumuhunan ang pitong ektaryang lupang pag-aari ng pamahalaang panlalawigan na nasa barangay Tabang sa bayan ng Guiguinto.

Ito ang mga dating kinatayuan ng Provincial Engineering Office at Hiyas Agro-Commidities Center na ngayo’y tatawagin bilang Hiyas ng Bulacan Global.

Tinatayang nasa tatlong bilyong piso ang potensyal na halaga ng pamumuhunan na papasok kapag tuluyang nabuksan ang lupang matagal nang nakatiwangwang sa nakalipas na mga dekada.

Nasa 10 libong mga bagong trabaho ang inisyal na malilikha mula rito.

Kabilang sa mga puhunan na target maipasok dito ay mula sa larangan ng retail at tourism gaya ng mga membership shopping, high-end hotel, night market at iba pang gaya nito.

Para sa gobernador, ito’y magsisilbing karagdagang ambag ng Kapitolyo upang mapalakas ang mga pasilidad na may kinalaman sa M.I.C.E. o Meetings, Incentives, Conventions and Exhibits bilang paghahanda sa itinatayong New Manila International Airport o NMIA sa Bulakan.

Ipagpapatuloy na rin ang nahintong 12 ektaryang Bulacan Cyber Park and Business District.

Ang apat na ektarya nito ay pagtatayuan ng isang lifestyle mall na uupa sa pamahalaang panlalawigan habang inilaan ang nasa pitong ektarya sa pagpapatayo ng mga high-rise buildings upang ipaupa sa mga space rentals, business process outsourcing, mga satellite offices ng mga national government agencies, mga government-owned and controlled corporations at government financial institutions.

Tutulong din ang Kapitolyo na makahikayat ng mga mamumuhunan na maglalagak ng negosyo sa isang bahagi ng 25 ektaryang Malolos Campus Annex ng Bulacan State University na isasailalim sa komersiyalisasyon sa pamamagitan ng Public-Private Partnership.

Sa larangan ng kalusugan, ipinag-utos ni Fernando na hinding hindi na bibili ang pamahalaang panlalawigan ng mga segundamanong kasangkapan at mga kagamitan para sa Bulacan Medical Center at mga district hospital.

Kaya’t bagong Magnetic Resonance Imaging na ang bibilhin na sasabayan ng pagbubukas ng bagong Bulacan Provincial Blood Center at Oxygen Plant na magkakaroon din ng mga bagong gamit.

Iba pa rito ang planong paglalagay ng mga Sea Ambulances para sa mga pasyenteng nasa mga baybaying barangay sa Bulacan.

Nakahanda namang umagapay ang pamahalaang panlalawigan sa mangyayaring malawakang dredging o paghuhukay sa mga kailugan ng Muzon, Marilao-Meycauayan-Obando River System; Meycauayan proper; Santa Maria; Taliptip at Bamban sa Bulakan; Guiguinto; at Kalero sa Malolos.

Ang mga gastusin sa naturang mga dredging project ay popondohan ng San Miguel Corporation na konsesyonaryo sa proyektong NMIA.

Samantala, mahigpit ang panawagan ni Fernando sa mga kapwa halal na opisyal.

Bagama’t mula aniya sila sa iba’t ibang kulay ng pulitika, panahon nang muling magkaisa sa ngalan ng mga Bulakenyo at ng lalawigan ng Bulacan. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here