Prayer rally para sa Comelec ginawa sa Bulacan at Intramuros

    277
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Nagsagawa ng magkasabay na prayer rally sa harapan ng kapitolyo ng Bulacan at sa harap ng punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) kahapon ang mga taga-suporta ni Bulacan Governor Jon-jon Mendoza na hiniling ang kaliwanagan ng isipan para sa mga opisyal ng komisyon.

    Ang magkasabay na prayer rally ay isinagawa 40 araw matapos ilabas ng ikalawang dibisyon ng Comelec ang isang desisyon noong Disyembre 1 na nagpawalang bisa sa proklamasyon kay Mendoza noong 2007, at nag-atas sa kanya na bakantehin ang tanggapan ng punong lalawigan upang magbigay daan kay dating Gob. Roberto Pagdanganan.

    Ang prayer rally ay dinaluhan ng mga taga-suporta ni Mendoza mula sa ibat-ibang bayan sa lalawigan.

    Layunin ng prayer rally na maliwanagan ang mga opisyal ng Comelec sa kanilang ilalabas na desisyon hinggil sa protestang inihain ni Pagdanganan laban kay Mendoza.

    Sa kasalukuyan ay dinidinig na sa Comelec En Banc ang protesta matapos ilabas noong ika-1 ng Disyembre ng 2nd division ang desisyong si Pagdanganan ang nanalong gobernador.

    Ayon kay Mendoza, patuloy ang kanilang pagra-rally bagamat hindi nila alam kung kailan ilalabas ng En Banc ang desisyon.

    Nanawagan pa si Mendoza sa Comelec na ilabas ang tunay na resulta ng nakaraang halalan at binigyang diin na hindi siya nandaya.

    Siniguro din ni Mendoza na matatapos niya ang kanyang termino hanggang sa ika-30 ng Hunyo, 2010 at hindi siya mapapatalsik sa kanyang posisyon.

    Samantala naniniwala rin ang mga taga-suporta ni Mendoza na hindi ito nandaya sa nakaraang halalan, ngunit nananatili pa ring nakakandado ang anim sa pitong pinto ng kapitolyo bilang bahagi raw ng pag-iingat sa pagbabanta kay Mendoza.

    Gayunpaman, sinabi ni Mendoza na sa kabila ng rally sa harap ng kapitolyo ay patuloy pa rin ang serbisyo nila sa mga Bulakenyo.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here