Home Headlines PPCRV sa kabataang Tarlakenyo: Iboto ang maka-Pilipinas

PPCRV sa kabataang Tarlakenyo: Iboto ang maka-Pilipinas

853
0
SHARE

Si Parish Pastoral Council for Responsible Voting Tarlac Coordinator Rev. Fr. Oscar Roque Jr. (Gabriela Liana S. Barela/PIA 3)


 

LUNGSOD NG TARLAC — Hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang kabataang Tarlakenyo na iboto ang kandidatong maka-Pilipinas.

Sa unang leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan! voter’s education webinar, inilahad ni PPCRV Tarlac Coordinator Rev. Fr. Oscar Roque Jr. ang mga pamantayan sa pagpili ng iboboto sa darating na eleksyon.

Dapat tignan ng botante ang apat na mahahalagang pag-uugali: maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan, at maka-kalikasan sa pagsisiyasat ng mga kandidato.

Ang mga kaugaliang ito aniya ay hango sa Saligang Batas.

Pagbibigay diin din niya, mayroong kakayahan ang bawat isa na dalhin ang landas na patutunguhan ng bansa kaya piliin ang karapat-dapat.

Sinabi niya na makakaapekto ang pipiliing mamumuno sa lipunan hindi lamang sa kasalukuyang dinaranas ng bansa kundi maging sa mga susunod pang henerasyon.

Samantala, pinaalalahanan din niya ang mga kabataang maging mapanuri sa mga nakikita sa social media sapagkat laganap ngayon ang maling impormasyon.

Ayon sa kanya, mabuting alam ng mga kabataan ang totoo at maling balita nang sa gayon maiwasan ring maging instrumento ng pagkalat nito.

Ang unang leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan ay inorganisa ng Philippine Information Agency sa pakikipagtulugan sa Commission on Elections, PPCRV, Tarlac State University at Tarlac Agricultural University. (CLJD/GLSB-PIA 3)

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here