Poster sa puno, binaklas ng DENR

    4835
    0
    SHARE
    CABANATUAN CITY – Hindi sinisino ng mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga kandidatong nasa poster na binaklas nila mula sa mga punongkahoy sa lungsod na ito at sa mga kalapit na lugar.

    Ayon kay Joselito Blanco, community environment and natural resources officer (Cenro), isang task force ang kanilang binuo upang baklasin ang mga poster. Isang gawaing hindi lamang nakasisira sa mga puno kundi paglabag rin sa umiiral na batas sa halalan, ani ni Blanco.

    Ilang araw nang nagbabaklas ng mga poster ang grupo at magtutuloy-tuloy ito, ayon kay Blanco.

    Ayon sa ilang tagapagtaguyod ng kalikasan, kapansin-pansin na tila hindi alintana ng mga nagkakabit ng poster ang masamang epekto ng pagbaon ng pako sa puno ng halaman.

    “Wala itong pakundangang pananakit sa puno,” ayon sa isang residente na ayaw pabanggit ng pangalan.

    Samantala, ipinahayag ni Atty. Fernando Coto-om, provincial election supervisor (PES) ng Nueva Ecija, na idinudokumento rin ng kanyang tanggapan ang mga paglabag sa Omnibus Election Code tulad sobra sa sukat at nakakabit sa hindi otorisadong lugar na mga poster ng kandidato.

    Hinikayat din niya ang sinuman na magsampa ng kaso sa kandidato na lumalabag sa naturang batas.

    “Puwedeng tumuloy sa piskalya at magsampa ng kaso laban sa kandidato,” saad ni Cot-om.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here