LUNGSOD NG MALOLOS—Dapat ipaliwanag ng mga kongresista sa sambayanan ang kanilang posisyon sa panukalang Constituent Assembly (Con-Ass) bilang bahagi ng kanilang pananagutan, ayon sa isang guro sa Bulacan State University (BulSU) sa lungsod na ito.
Ayon kay Marissa Enriquez, isang guro ng political science, ipatatawag niya ang mga kongresista sa lalawigan sa isang forum na isasagawa sa nasabing pamantasan upang magpaliwanag.
"Bilang mga guro we are duty bound to explain to our students the situation and our local congressmen must explain how they voted for the Con-Ass," ani Enriquez sa isang press conference na isinagawa sa BulSu noong Miyerkoles bilang bahagi ng talakayan sa Con-Ass at Charter Change.
Sinabi niya na makabubuting ang mga kongresistang Bulakenyo na ang magpaliwanag sa mga mag-aaral ng kanilang posisyon sa Con-Ass sa pamamagitan ng isang talakayang kanilang oorganisahin.
"It’s about time to get in touch with our congressmen and let them speak on how they work in Congress and how they voted on HB 1109," ani Enriquez.
Sa kasalukuyan, anim ang kinatawan sa Kongreso ng Bulacan kabilang ang isang party-list representative: Marivic Alvarado (District 1), Pedro Pancho (District 2), Lorna Silverio (District 3) Reylina Nicolas (District 4), Arthur Robes (Lone District of San Jose Del Monte City) at Joel Villanueva ng Citizen’s Battle Against Corruption (Cibac) party-list.
Karaniwan sa mga nasabing kinatawan at mga kaalyado ni Pangulong Arroyo na sa mga unang panayam ay nagbigay ng pahayag na pabor sila sa Charter Change, maliban kay Villanueva na kabilang sa oposisyon.
Ngunit sa kasalukuyan, hindi pa malinaw sa mga Bulakenyo ang naging posisyon ng bawat isang kinatawang Bulakenyo sa isinagawang botohan sa Kongreso noong Hunyo 3 kung kailan ay pinagtibay ang HB 1109 na nagko-convert sa Kongreso upang maging isang Constituent Assembly na mag-a-amyenda sa Saligang Batas ng bansa.
Ayon kay Mon Mangaran ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang Con-Ass ay isang hakbang ng administrasyong Arroyo upang mapanatili ang kanyang sarili sa kapangyarihan at maiwasan ang mga kasong isasampa sa kanya sa pagbaba niya sa puwesto sa Hunyo 30, 2010.
Ayon kay Mangaran, ilang sa mga kasong maaring isampa laban kay Pangulong Arroyo ay ang electoral fraud, graft and corruption at human rights violations.