POPULARISASYON NG RENEWABLE ENERGY
    Solar powered lamps sa NLEX dadagdagan

    342
    0
    SHARE
    GUIGUINTO, Bulacan – Dadagdagan pa ang mga solar powered lamps sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) bilang isang pagtatangka sa popularisasyon ng renewable energy sa bansa.

    Ayon kay Benigno Valles, ang senior manager for corporate communication of the Traffic Management Corporation (TMC), 34 na solar power lamps ang kanilang ilalagay sa susunod na taon sa kahabaan ng NLEX mula sa may Pulilan viaduct hanggang sa dulo nito sa Mabalacat, Pampanga.

    Ito ay bahagi rin ng pagtitipid sa gastos ng pamunuan ng TMC na siyang namamahala sa NLEX sa ilalim ng Metro Pacific Investment Corporation.

    Bukod dito, sinabi ni Valles na may bahagi ang 87-kilometrong NLEX na hindi basta maaabot ng supply ng kuryente.

    Aniya, nagsimulang gumamit ng renewable energy ang TMC sa NLEX mula noong 2005 ngunit karaniwan sa mga ito ay nasa experimental stage.

    Batay sa tala ng TMC, umaabot sa 100 electronic call boxes (ECB) nila na nasa kahabaan ng NLEX ay gumagamit na ng solar power, bukod pa sa anim na ilaw, at tatlong close circuit television (CCTV) camera.

    Gumamit din ang NLEX ng stone mastic asphalt sa konstruksyon ng Mindanao Avenue Link sa unang bahagi ng taon, kaya’t ito’y tinaguriang “green road.”

    Isa sa katangian ng stone mastic asphalt na ginagamit na rin ngayon sa ibayong dagat, ay hindi masyadong maingay ang gulong ng sasakyan na dumadaan doon.

    Ayon kay Valles, maaaring mataas ang gastos sa pagsisimula ng paggamit ng renewable energy, ngunit habang nagtatagal ay mas nakakatipid sa paggamit nito.

    Idinagdag pa niya na maaring gumamit din sila ng solar energy sa Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) kapag nagsimula na ang operasyon nila doon.

    Inayunan naman ni Engineer Wency Perez, isang electrical and auxiliary supervisor ng TMC ang pahayag ni Valles na mas nakakatipid sa paggamit ng renewable energy.

    Sinabi ni Perez na umaabot sa P6-milyon ang binabayaran ng TMC bawat buwan sa Manila Electric Company (Meralco) at lima pang electric cooperatives sa Pampanga.

    “I think the TMC made a wise decision in investing on renewable energy because it’s not only economical in the long run, it also help popularize the use of renewable energy which do not contribute to climate change,” ani Perez.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here