PLARIDEL, Bulacan — Inireklamo ng paglabag sa anti-sexual harassment ng isang patrolwoman ang isang police major na nakatalaga sa municipal police station ng bayang ito.
Ayon sa ulat, habang natutulog ang biktima na itinago sa alyas “May,” isang patrolwoman sa WCPD office, noong alas-3 ng madaling araw ng June 7 ay bigla na lang syang ginising ng suspek na tinawag na alyas “JR” na isa namang police major at niyakap siya ng mahigpit.
Sinubukan daw itong pigilan ng biktima ngunit pinaghahalikan pa siya ng nasabing opisyal sa labi, sa leeg, at hinahawakan ang kanyang dibdib.
Malaunan ay bigla na lang huminto si alyas JR nang makita na umiiyak ang patrolwoman at lumabas na ito ng opisina.
Samantala, tumanggi naman na magbigay ng pahayag ang Bulacan Provincial Police Office hinggil sa nasabing reklamo dahil patuloy pa ang imbestigasyon dito.
Sa impormasyon na natanggap ng Punto! ay sinibak na sa pwesto ang nasabing police major sa Plaridel MPS at sasampahan ng biktima ng kasong paglabag sa RA 7877 (Anti-Sexual Harassment Law).