LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Palalakasin pa ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development (PAGPTD) ang pagtutulungan upang itaguyod ang mga adhikain ng Patrol Plan 2030 ng Philippine National Police.
Iyan ang pinagtibay sa ginanap na 2025 Strategic Planning Session ng kapulisan at PAGPTD.
Ayon ay Police Deputy Provincial Director for Administration PLt. Col. Allan Palomo, layunin nito na na mas mailapit ang kapulisan sa karaniwang mga mamamayan at higit na mas maging epektibo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Pangunahin sa tututukan ang kalagayang pangkaligtasan ng mga mamamayan sa mga kanayunan sa pamamagitan ng palagiang police patrol at mobility.
Bukod dito, dadalasan din ang pagdaraos ng mga gawaing sibiko upang higit na makilala ang mga taga nayon o barangay.
Halimbawa na rito ang pagsasagawa ng regular na bloodletting, medical at dental missions na lalahukan ng mga nasa nayon sa pamamagitan ng pribadong sektor gaya ng doktor, relihiyoso at akademiya.
Partikular sa bloodletting, itataguyod ito sa tulong ng Philippine Red Cross na mag-iimbak ng mga makokolektang dugo.
Ayon kay Palomo, makakatulong ito upang magkaroon ng tiyak na suplay ng dugo ang mga kapulisan na mangangailangan nito tulad ng mga napasabak sa mga kritikal na operasyon.
Gayundin ang pag-aangat ng kamalayan partikular sa mga kababaihan at mga kabataan hinggil sa kanilang mga karapatan at makaiwas sa iba’t ibang uri ng karahasan, sa pamamagitan ng mga Gender-Based Violence Seminar.
Sinabi naman ni PAGPTD Chairperson Reneil Mercado na pagtutuunan ng pansin ng kanilang grupo ang pagkakaroon ng malawakang kamalayan upang makaiwas sa sari-saring cybercrime at disinformation at paglaganap ng fake news sa pamamagitan ng mga seminar na isasagawa sa tulong ng Department of Information and Communication at Philippine Information Agency.
Tiniyak din ng grupo na magpapatuloy ang pagdadaos ng SIKAD na magsusulong ng Bike Tourism upang napapangalagaan ang kahutukan ng pangangatawan.
Matatandaan na nauna nang inilunsad ng BPPO ang mga Tourist Biking Police o mga pulis na nagsasagawa ng patrolya sa pamamagitan ng pagbibisikleta sa mga pook na dinarayo ng mga turista.
Kaugnay ng pagtulong na mapalakas ang turismo, tutulong din ang PAGPTD sa patuloy na mapangalagaan ang kalikasan.
Nakapaloob dito ang regular na pagtatanim ng mga puno sa mga kabundukan ng Bulacan at ang pagsasagawa ng Disaster Response Training sa tulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office. (CLJD/VFC, PIA Region 3-Bulacan)