PNoy ‘kakalampagin’ ng mga mamamahayag para sa katarungan

    428
    0
    SHARE

    MALOLOS—Kakalampagin ng mga mamamahayag si Pangulong Benigno “Nonoy” Aquino III sa ikalawang taon ng paggunita sa Maguindanao Massacre upang mapabilis ang pagbibigay ng katarungan sa mga pinaslang.

    Ito ay kaugnay ng kauna-unahang pagsasagawa sa Nobyembre 23 ng International Day to End Impunity (IDEI) na inorganisa ng International Freedom of Expression eXchange (IFex) na nakabase sa Canada.

    Ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), ang pangangalampag ng mga mamamahayag sa Pangulo ay hindi lamang sa mga pahayagan, radyo at telebisyon isasagawa.

    Ito ay isasagawa rin sa internet, partikular na sa mga social networking sites katulad ng Facebook.com at Twitter.com at maging sa mga blogsites ng mga manunulat na tinawag na bloggers.

    “We hope you can join the online IDEI campaign,” ani Melinda Quintos-De Jesus, ang executive director ng CMFR.

    Ang CMFR ay isa sa 95 samahan ng mga mamamahayag sa mundo na kasapi ng IFEX.

    Batay sa kanyang bukas na liham, sinabi ni Quintos-De Jesus ang ilang paraan ng paglahok sa
    pangangalampag kay Aquino sa nalalapit na ikalawang taon ng paggunita sa Maguindanao Massacre.

    Una sa pamamagitan ng paggamit ng mga slogan sa Facebook at Twitter account ng mga lalahok sa pangangalampag.

    Ang mga slogan ay ang mga sumusunod:

    “Pangulong Aquino: Ilan pang mamamahayag ang kailangang mapatay? Kilos na!” at “Pangulong Aquino: Hustisya para sa aking tatay, nanay, kapatid, o relasyon ng may account sa pinaslang na mamamahayag.”

    Ayon kay Quintos-De Jesus, layunin ng slogan campaign na ipaalala sa Pangulo ang kanyang pangako na tutugunan ang pamamaslang sa mga mamamahayag sa bansa.

    Gayunpaman, ang nasabing kampanya ay hindi limitado para sa mga pinaslang na mga mamamahayag, kundi maging sa mga aktibista, huwes, at mga pari.

    Ipinayo rin ng CMFR sa mga lalahok na matapos na ipost sa social networking sites ang mga mga nasabing slogan, dapat din itong i-tag sa account ng mga communication team ng Pangulo.

    Bukod sa slogan campaign, hinihikayat din ng CMFR ang mga bloggers na makiisa sa pagsasagawa ng IDEI sa pamamagitan ng paglahok sa tinaguriang “Blog Action Day” na isasagawa sa Nobyembre 21.

    Ipinayo ng CMFR sa mga bloggers na magsulat at talakayin ang mga usapin na may kinalaman sa pagsasagawa ng IDEI.

    Upang maisagawa ito, sinabi ng CMFR na maghahanda sila ng mga impormasyon na magagamit ng mga bloggers, social media users, at mga interesadong individual at samahan.

    Kabilang sa mga impormasyong inihahanda ng CMFR ay ang mga resulta ng kanilang pagsusuri, mga background information at mga artikulo patungkol sa paglaban sa impunity.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here