PNoy imbitado sa ika-114 taon ng Araw ng Republika

    380
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Umaasa si Gob. Wilhelmino Alvarado sa paglahok ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagdiriwang ng ika-114 na guning taon ng pagpapasinaya sa kauna-unahang Demoraktikong Republika sa Asya sa Enero 23.

    Ang nasabing araw ay idineklara ni Aquino bilang isang non-working holiday sa lalawigan ng Bulacan ayon sa Proclamation No. 523 na nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa noong nakaraang Disyembre 10.

    Ito ay matapos magpahatid ng imbitasyon sa Pangulo ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pamumuno ni Dr. Serena Diokno.

    Kaugnay nito, itatampok sa isang eksibisyon ang mga memorabilia at obra ng dalawang Bulakenyong pambansang alagad ng sining na sina Ernani Cuenco at Guillermo Tolentino sa pagsasagawa ng taunang Fiesta Republika ng Lungsod ng Malolos na magsisimula sa Enero 17 at matatapos sa Enero 30.

    “Sana ay makarating ang Pangulo, at sana walang makasabay na appointment sa January 23,” ani Alvarado sa kanyang lingguhang palatuntunang “the Governor’s Hour” na isinasahimpapawid sa Radyo Bulacan.

    Binigyang diin pa niya lubhang mahalaga ang pagdiriwang ng Araw ng Republika para sa bansa at inilartawan pa na “ito ang birthday ng Republika ng Pilipinas, dito tayo nagsimula.”

    Hinggil sa pagdedeklara ng Pangulo na isang non-working holiday ang Enero 23 sa lalawigan ng Bulacan, sinabi ni Alvarado na ito ay isang magandang pasimula.

    Gayunpaman, sinabi niya na dapat ay buong bansa ang gumugunita sa Araw ng Republika at hindi ang Bulacan lamang.

    “Dapat ay national holiday ito,” ani ng punong lalawigan at binanggit na nagpasa siya ng isang panukalang batas sa Kongreso noong siya ay isa pang kongresista.

    Hindi pa napagtibay ang nasabing panukalang batas, kaya’t ito ay muling inihain sa Kongreso ni Kint. Marivic Alvarado, ang maybahay ng gobernador.

    Kinatigan naman ng mga historyador sa lalawigan ang panukala ng mag-asawang Alvarado na itakda bilang isang national holiday ang Araw ng Republika tuwing ika-23 ng Enero.

    Ayon kay Isagani Giron, dating pangulo ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka), ang Araw ng Republika at dapat gunitain ng bawat Pilipino.

    Ito ay dahil sa ito ang kauna-unahang demokratikong republika sa buong Asya.

    Ang Araw ng Republika ay pinasinayaan sa makasaysayang simbahan ng Barasoain noong Enero 23, 1899 matapos mapagtibay ang Saligang Batas ng Malolos ng mga kasapi ng Kongreso ng Malolos.

    Ang nasabing Kongreso ay pinasinayaan noong Setyembre 15, 1898 at siya ring nagpatibay sa kalayaang idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here