“KUNG tinanggap ko ang kusang pagbibitiw
Ni Budget Sec Abad sa kanyang tungkulin
Ay parang sa kanya’y pagtalaga na rin
Sa mali at hindi niya marapat gawin
Di ko matanggap ang di maling ginawa
Ng ating tao ay ay sabihing di tama;”
Yan ang walang gatol na pananalita
Ni PNoy hinggil sa mainit na paksa
Nitong aywan lang kung talagang totoo
Na naghain si Butch Abad kay Pangulo
Ng resignation niya pero di raw nito
Pinayagan, bagkus pinigilan ito?
At sinabing hindi ‘unconstitutional’
Itong ‘disbursement acceleration program,’
Taliwas sa ‘ruling’ ng ‘Highest Tribunal,’
Ang kay Abad pagpabor ng Malakanyang
Kung saan nitong lang a uno ng Julyo
Ay itong Supreme Court ang nagsabi mismo,
Na illegal ang DAP nilang inimbento;
At wala ring iniwan sa PDAF ito.
Kaya nga’t kapagka pinilit ni PNoy
Na ang DAP di labag sa’ting Konstitusyon,
At ang kanya ang siyang pilit isusulong,
Yan ay tuwirang ‘grave abuse of discretion’
At di man pasimpleng ‘Marcosian power grap’
Ay may pagkaiba ng kaunti, sapagkat
Ang PD 1081 inisyu at sukat
Ni “Apo” bago ang utos pinatupad.
Pero ang kay PNoy ay napakalinaw
ang mababanaag ang ala martial law
niyang konsepto at ang nangingibabaw
ay tanging personal lang nitong pananaw.
Kung saan tulad ng ating nakikita
Sa klase ng kanyang paghawak sa renda,
Alalaon baga’y lahat ng gusto niya
Ay siyang ipipilit kahit mali siya.
Katulad na lamang nitong isyu hinggil
Sa umano’y pagkasipa niya kay dating
Chief Justice Corona ya’y di ba’t pag-sikil
Na rin niya sa’ting Court of Justice na rin?
Kaya di malayong ang banggan ngayon
Ng hudikatura at Pangulong PNoy
Ay posibleng sa kalsada rin humantong
Kapag ang eksenang yan ay nagpatuloy
Na kung saan parang pataasan na lang
Ng ihi ang ngayon ay namamagitan
Sa Supreme Court at ng nasa Malakanyang
Kung alin ang higit makapangyarihan.
Dahil lumalabas sa palitan nila
Ng argumento at mga pag-akusa,
Constitutional crisis itong naka-amba
Na posibleng kahantungan ng lahat na.
Kapag nagpumilit itong Malakanyang,
Na ang DAP ni Abad ay hindi illegal;
Pero ayon naman sa ‘Highest Tribunal’
Ang kina PNoy ang ‘unconstitutional’
Tama o hindi ang pagka-akda ng DAP
Ya’y di na ang isyung maresolba dapat
Kundi kung alin ba ang talagang sukat
Magpatupad sa ‘ting panuntunang batas.
Ang Pangulo ba ng ating Republika
O ang tinatawag na Hudikatura?
Ang una, posibleng balik Diktadura
At ang huli ay tunay na Demokrasya!