PNoy dimasyado sa harapang pag-abuso sa batas

    341
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Benigno Aquino III na hindi pa rin nauubos ang nagnanais abusushin ang Saligang Batas ng bansa para sa pansariling kapakanan.

    Ito ay matapos ang paglilitis at mapatalsik sa tungkulin si dating Punong Mahistrado Renato Corona.

    Sa kanyang pahayag sa mga dumalo sa ika-114 na guning taong paghahayag ng Kasarinlan ng Pilipinas, sinabi ng Pangulo na bukod sa mga nagnanais baligtarin ang Saligang Batas, ay mayroon ding mga opisyal na harap-harapang lumalabag dito.

    “Hindi ko maiwasang madismaya minsan, dahil matapos ang pinagdaanang ratipikasyon ng ating Saligang Batas noong 1935 at 1987, hindi parin nauubos ang mga walang pakundangan pa ring naghahanap ng butas upang gamitin ito sa pansarili nilang kapakanan,” ani ng Pangulo.

    Idinagdag pa niya na “May mga opisyal na harap-harapan kung lumabag sa batas, at harap-harapan ding tinatakasan ang pananagutan.”

    Ayon sa Pangulo, ang Saligang Batas ay dapat natatakbuhan ng karaniwang tao, ngunit ito’y “nagiging laruan na lamang ng mga naghahari-harian.”

    Inilarawan pa niya ang mga ginagawa ng ilang opisyal na hindi tinukoy ng kanyang sabihing, “Kung umasta sila, animo’y hawak nila ang piring ng katarungan, para bang lisensyado silang palitan, bawasan, ibahin at baliktarin ang Konstitusyon.”

    Ayon kay Aquino ang katatapos na paglilitis kay Corona na umabot ng limang buwan ay dapat maging babala sa mga nagnanais baligtarin ang Saligang Batas.

    Ito ay dahil sa pinatingkad ng katatapos na paglilitis ang diwa ng demokrasya kung saan ay  “karapatan ng mga Pilipinong malaman ang katotohanan at maramdamang buhay ang demokratikong sistema sa bansa.

    Muli rin nitong idiniin sa ating mga lingkod-bayan na ang kapangyarihang ipinahiram sa kanila ni Juan dela Cruz ay may kaakibat na responsibilidad at pananagutan.”

    Ayon sa Pangulo ang pag-abuso sa batas ay masasalamin sa tahasang korapsyon na naging daan upang lalong dumami ang “naging sakim sa kapangyarihan.”

    Ito ay nagbunga ng pagdami ng bilang ng mga manhid at nagwalang-kibo.

    “Naging pundido ang parola ng demokrasya dahil walang nagkukusang alagaan at panatilihin ang alab nito,” ani ng Pangulo.

    Ipinagmalaki rin niya na nakakabuwelo na ang bansa patungo sa tuwid na landas, at nangako siya na “hindi natin hahayaan pang maligaw tayosa dilim ng nakaraan.”

    “Gaya ng nakasaad sa Saligang Batas, sa taumbayan nag-uugat ang lakas ng ating bayan. Kaya’t makatarungan lamang na sila rin ang makikinabang sa bunga ng ating mga pagsisikap.

    Kaya naman bawat repormang itinutulak natin—mula sa trabahong naihahandog natin sa ating kababayan, hanggang sa pagtataguyod ng katarungang panlahat; mula sa pagkukumpuni ng sistemang panlipunan, hanggang sa matuwid na paggugol ng ating pananalapi—ay dapat sumasalamin sa prinsipyong pinagtibay sa loob mismo ng simbahang ito noong 1898,” dagdag pa ni Aquino.

    Bilang dating Kongresista ng Tarlac, sinabi niya na naging sandigan niya ang Saligang Batas.

    “Lagi kong binabasa, pinag-aaralan at sinusuri ang mga probisyon nito. Bukod sa napapaloob dito ang mga batayan na dapat kong sundin bilang Pilipino, ginagabayan din ako nito kung paano ko magagawa nang mas mahusay ang obligasyon ko bilang lingkod-bayan,” ani ng Pangulo.

    Pinatingkad din niya ang kahalagahan ng Saligang Batas na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos noong Enero 1899.

    Sinabi ng Pangulo na noon pa man ay “mulat na ang ating mga ninuno sa prinsipyong bumubuhay sa ating demokrasya: ang ganap na kapangyarihan ay nagmumula at angkin ng sambayanang Pilipino, kaya’t sa kapakanan ng Pilipino rin ito dapat nakatuon.

    Pumili sila ng mga kinatawan, hindi para maghari at pagsilbihan, kundi para mamuno at itimon ang bansa tungo sa tamang direksyon, at paglingkuran ang karaniwang mamamayan.”

    “Nang nagpunta sa Malolos ang pitumpung kinatawan mula sa iba’t ibang probinsya, pangunahing bitbit nila ay ang mga adhikain ng sarili nilang mga lalawigan, at ang pangarap ng nag-iisang bayan.

    Inuna nila ito kaysa sa personal nilang interes. Nakaatang sa kanilang balikat ang obligasyon na isulat ang mga alituntunin na sinang-ayunan ng taumbayan, upang magsilbing gabay kung paano sila mamumuhay at makikitungo nang tama, patas, at makatarungan sa isa’t isa,” sabi ng Pangulo.

    Dagdag pa niya, “Hindi nila tayo binigo. Matagumpay nilang ipinunla ang isang saligan na bukal ng katarungan, magtatanggol at magtataguyod ng kabutihan, at sisiguro sa pantay na karapatan para sa lahat.” 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here