Minsan kahit anhin man nating itago
Ang anumang bagay sa paraang liko,
May mga instansyang mabubukong lalo
Ang may bitbit mismo sa sariling silo.
At siya rin kumbaga itong sa sarili
Niyang pagkatao ang naglagay pati
Sa situasyong sadyang di kawili-wili
Nang maipit na at tuluyang hinuli
Sa Las Vegas, Nevada ng mga pulis
Ang mahal na kabiyak ni Senador Lapid,
Sanhi ng umano’y tangkang pagpupuslit
Ng napakalaking ‘volume’ ng dolyares.
Kung saan patungo yata sa Casino
Si Marissa Lapid nang mabuking ito
Na may nakatago na kung ilang libo
Ng dolyar at saka perang Pilipino?
Na lampas sa takdang halaga ng perang
Maaring ipasok sa States ninuman,
Kaya bunsod nito siya’y kinasuhan
Ng ‘cash smuggling’ sa lugar ni Uncle Sam.
Nakulong o hindi si Marissa Lapid
Ay di ang isyu ng panibagong tsimis,
Kundi ang posibleng mai-revive ulit
Ni Among sa ating ‘Commission on Audit’
Ang kasong ‘plunder’ na isinampa laban
Sa mag-amang Lapid hinggil sa anila’y
Nawawalang pondong mula sa ‘lahar sand’
Noong panahon ng panunungkulan niyan.
Na magkasunod na naging gobernador
Bago nanungkulan ang ‘priest-turned-governor;
At kung saan biglang halos isang milyon
Ang itinaas ng arawang koleksyon
Sa ‘quarry’ kumpara sa panahon nila,
Na walang pang isang milyon kada sena
Ang kwenta malinaw na naisasampa,
Kung kaya posible ngang ibinubulsa;
Ng kung sinu-sinong magkaka-sabuwat,
Sa ‘quarry site’ at ng ilang matataas
Na opisyales sa Capitol at lahat
Ng kabagang ni Sir na may mga ‘gate pass’
Upang sila’y pawang libreng labas-masok
Kahit anong oras sa tanggapan ni Gob;
(Upang maghatid ng mga nakabungkos
Na salaping dapat sa kaban ipasok?)
Di ko sinasabing ang ‘thousands of dollar’
Na tangkang ipuslit ay katas ng lahar
Na kinita ni Sir nang mag-governor yan,
Pero di malayo sa katotohanan.
Pagkat ano’t biglang lumobo ang kita
Sa ‘quarry’ nang sila ay mapalitan na
Ni Among… at ngayon ni Mrs. Pineda
Na lalong lumaki sa panahon niya!
Kung di ibinulsa ng kung sinu-sino
Na magkakasabwat d’yan sa Kapitolyo
Nang sina Lapid pa’t mga ka-amigo
Ang may otoridad magpalakad nito?
Kaya sa puntong yan ay marapat lamang
Na ipagpatuloy ni Among ang kanyang
Isinampang kaso laban sa mag-amang
Lito at Mark upang ang katotohanan
Ang siyang mangibabaw at luminis pati
Ang pangalan nila sakali’t di “guilty”
Ang maging resulta ng kasong nasabi;
Pero kung sakali – ano na nga kasi?