LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Bukod sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay kasabay din nitong gaganapin sa Lunes ang plebesito para sa ratipikasyon ng Highly Urbanized City o HUC ng Lungsod ng San Jose Del Monte.
Ayon kay Atty. Elmo Duque, Assistant Regional Director ng Comelec Regional Office 3, tatlo ang balota na gagamitin sa halalan sa Bulacan sa Lunes.
Ang unang balota ay para sa halalang pang barangay, ang ikalawang balota ay para sa halalan ng SK at ang ikatlo naman ay ang plebesito kung saan boboto ang Bulakenyo kung Yes or No ng pagka-HUC ng SJDMC.
Matatandaan na ang Lungsod ng San Jose del Monte ay naiproklama bilang highly urbanized city noong ika-4 ng Disyembre 2020, sa bisa ng Proclamation No. 1057 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang nasabing proklamasyon ay magkakabisa matapos itong maratipikahan sa pamamagitan ng plebesito sa Lunes.
Sa kasalukuyan, ang Lungsod ng San Jose del Monte ay isang 1st class component city sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa 2020 census, ang populasyon nito ay umakyat na sa 651,813 katao kung saan ay naitala ito bilang pinakamalaking local government unit sa Bulacan at maging sa Central Luzon.