LUNGSOD ng Balanga: Namumukod-tangi ang kulay pula na sinasabing kulay ng pag-ibig sa plaza ng lungsod na ito sa Bataan na kilala sa katawagang Plaza Mayor de Balanga.
Handang-handa na ang plaza para sa Araw ng mga Puso sa Miyerkules, Pebrero 14.
Kulay pula ang malalaking titik ng pangalang BALANGA at kulay pula rin ang malalaking hugis-puso na may magkapares at may nag-iisa.
Kulay pula rin ang salitang LOVE o pag-ibig ganoon din ang mga palamuti o tila chandelier sa ibabaw ng wari ay mga matatayog na puno.
Nasasabitan din ng pulang bulaklak ang mga panel of lights.
Ang Plaza Mayor ay napapalibutan ng Saint Joseph Cathedral, Cityhall at tatlong malalaking business establishment.
Nais ni City Mayor Francis Garcia na manatili ang diwa ng pagmamahalan sa puso ng bawat isa, araw man ng mga puso o karaniwang araw.