Makabubuti kung tuluyang maging ‘bill’
Itong ‘advocacy’ ni ‘Most Outstanding’
1st District Congressman, Carmelo Lazatin,
Na nagnanais na lubos ipatigil
Ang pag-gawa at pagtangkilik ng Masa
Sa plastik at ibang kauring paninda,
Gaya ng ‘plastic bag’ at saka iba pa
Na nakasisira sa naturalesa.
Sanhi ng napakasamang epekto n’yan
Sa buhay ng tao at kapaligiran,
Dala na rin ng pangit na katangian
Ng naturang bagay sa pangkalahatan.
Kung saan dahil sa ya’y di nalulusaw
Na usong pambalot at saka lalagyan
Nitong halos lahat na yata ng bagay,
Gaya ng pati na bote ng tubig lang
At saka ‘sachet’ ng shampoo at mantika,
‘Repacking’ ng toyo, pati, ketsap, suka,
(Liban sa iba pa na plastik din yata
Ang gamit para gumanda ng bahagya?)
Ay talaga namang malaking problema
Sa kapaligiran ang dulot n’yan tuwina,
Bunsod nga nitong yan ang nagpapabara
Sa daluyang tubig, kanal at iba pa.
Kung saan kabuntot nito ay tiyakang
Baha ang palagi nating maasahang
Dadalaw sa atin sa tuwing pagdatal
Ng siyam-siyam at napakalakas na ulan.
Na bagama’t noon ay binabaha rin
Tuwing pagsapit ng tag-ulan sa atin,
Pero malayo sa ngayo’y nangyayaring
Pag-apaw ng tubig sa paligid natin.
Na kung saan pati hindi inaabot
Nitong tubig ulan ay parating lubog
Sa panahong ito ngayo’t pati ilog
Ay tapunan na rin ng basura halos
Ng nakararaming walang malasakit
Sa ikagaganda ng ating paligid,
Na marapat mapanatiling malinis
Upang maging ligtas sa anumang sakit.
Ay ano pa nga ba ang mas epektibong
Paraan upang ang banta ng polusyon
Ay lubusan nating matakasan ngayon
Kundi sa naisip ng butihing Solon
Na ipagbawal ng lubos ang pag-gamit
Ng anumang bagay na produktong plastik,
Upang ang banta ng higit pang panganib
Sa araw ng bukas ay di na sumapit!
Kung yan ay nagawa na sa ibang lugar,
Gaya ng Apalit at iba pang bayan,
Gaano pa kaya kung ya’y maging legal
Na ordinansa o batas pagbabawal?
Na kinakailangang ipa-iral lubos
Ng pamahalaan sa lahat ng sulok
Nitong Pilipinas ang nasabing utos,
Ng walang anumang pasubali halos;
At kung saan kahit sino ang lumabag
Ay marapat lamang na ikulong agad
At papagmultahin para maipatupad
Ng walang liwag sa sinumang lalabag!