SAMAL, Bataan: Simple ngunit makulay ang pagdiriwang ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) o Aglipay Church sa kapistahan ng Sto. Nino nitong Linggo sa Barangay Tabing-Ilog sa bayang ito.
Nagsagawa muna ng Banal na Misa sa Lote, sityo ng mga mangingisda saTabing-Ilog, kung saan binasbasan ang mga Imahen ng Sto. Nino sa pangunguna ni Rev. Fr. Celso Dilig ng Parokya ng Santa Catalina ng Siena – IFI Samal.
Pagkatapos ng pagbabasbas, ipinarada sa isang prusisyon ang mga Imahen na may iba-ibang kasuotan at laki lulan sa sidecar ng bisekleta, tricycle at iba pang sasakyan.
Ang ibang Imahen ay hawak-hawak lamang ng may-ari habang isinasayaw samantalang isang Imahen sa andas ang sumailalim naman sa matinding yugyugan sa mga nagpapasan sa saliw ng tugtugin mula sa loud speaker.
Sa ganitong okasyon ay buhay na buhay ang tradisyong Pilipino – ang pagmamano sa nakakatanda. Sapagka’t malapit nang magtakipsilim, kapuna-puna ang ilang kabataan na nagmamano sa kanilang kaanak na nakaupo sa tabi ng kalsada.
Nakaalalay naman ang buong puwersa ng Barangay Tabing-Ilog sa pangunguna ni Punong Barangay Glenn Velasco sa prusisyon. (30)