LUNGSOD NG MALOLOS – Binalot ng kalungkutan ang taunang parangal para sa mga disaster rescue group sa Central Luzon kamakailan.
Ito ay dahil sa pagkamatay ng pinuno ng Rescue 117 na nakabase sa Paombong, Bulacan ilang sandal matapos tanggapin ang hall of fame award na ipinagkaloob ng Office of Civil Defense III (OCD).
Ang nasabing parangal ay isinagawa sa covered court ng Department of Social Welfare and Development Office III na matatagpuan sa Social Action Center of Pampanga (Sacop) sa Barangay Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga noong Lunes.
Sa nasabing parangal, tinanggap din ng Bulacan ang parangal para sa Most Outstanding Provincial Disaster Risk and Reduction Management.
Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng Bulacan Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office (PDRRMO), katatanggap lang ni Aris Jumaquio ng ikatlong sunod na Most Outstanding Non-Governmental Organization (NGO) rescue group award ng ito ay atakihin sa puso.
“We were one seat apart and I was trying to reach out and congratulate him, but he did not move,” ani Mungcal.
Sinabi niya na matapos tanggapin ang parangal ng Rescue 117, nagpakuha pa ng souvenir picture si Jumaquio kasama sina OCD-III Director Josie Timoteo at Bulacan Provincial Administrator Jim Valerio.
Pagkatapos nito ay nagbalik sa upuan si Jumaquio at hindi na gumalaw.
Ilang kasapi ng ibat-ibang pangunahing rescue group sa rehiyon na dumalo sa parangal ang agad na sumaklolo kay Jumaquio bago ito isinugod sa di kalayuang Mother Theresa of Calcutta Hospital, ngunit hindi sila nagtagumpay.
Si Jumaquio ang tagapangulo ng Rescue 117, isang premyadong grupo na nakabase sa bayan ng Paombong, Bulacan.
Bilang natatanging rescue group, ang Rescue 117 ay tumanggap ng parangal bilang most outstanding NGO rescue group sa Central Luzon sa loob ng tatlong sunod na taon.
Noong 2008 at 2009, tinanggap din ng Rescue 117 ang Gawad Kalasag, ang pinakamataas na pagkilala na ipinagkakaloob ng Pangulo ng bansa sa mga natatanging disaster and rescue groups.
Ang Rescue 117 ay naging bahagi ng maraming rescue at retrieval operations sa Bulacan sa panahon ng kalamidad at mga emergency sa mga nagdaang taon.