Pintor ng larawan ng Barasoain Church sa P10, nanawagang huwag putulin ang puno

    564
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan—Nananawagan ang Bulakenyong gumuhit ng larawan ng Barasoain Church sa P10 bill na huwag putulin ang mga puno sa patio ng makasaysayang simbahan sa Malolos, Bulacan.

    Ayon kay Al Perez, batikang pintor mula sa Sta. Cruz sa bayang ito, nananawagan siya kay Monsignor Angel Santiago, parish priest ng Our Lady of Mt. Carmel parish na huwag nang putulin pa ang puno sa harapan ng simbahan.

    Aniya, bukod sa usaping pang-kalikasan, ang punong ito ay bahagi na ng kasaysayan.

    Ang puno aniya ay nabubuhay na ng daang taon at kasama nang kanyang iguhit ang larawan ng simbahan para sa sampung pisong papel noong huling bahagi ng Dekada 70.

    Mababawasan aniya ang bahagi ng kasaysayan kung ang puno ay puputulin.

    Aniya, maganda naman ang programa na pagandahin ang patio ng simbahan ngunit hindi dapat alisin ang puno dahil maituturing na rin itong bahagi ng isa sa pinakamahalagang landmark sa Bulacan.

    Matatandaan na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources sa Central Luzon hinggil sa pagpuputol at pag-aalis ng mga puno sa patio ng simbahan ng Barasoain.

    Lumabas sa imbestigasyon ng Bulacan Community Environment and Natural Resources Office, na walang kaukulang permiso ang ginawang pagpuputol ng mga puno doon.

    Batay sa imbentaryo ng CENRO, naputol doon ang tatlong puno ng talisay, isang narra, dalawang golden shower at tatlong niyog.

    Samantalang inilipat naman sa isang resort sa Bulacan ang isa pang narra at isang palm tree.

    Ayon pa sa CENRO, posibleng makasuhan ang responsable sa nangyaring ilegal na pagpuputol ng mga puno batay sa Section 68 ng PD 705.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here