Pintor na walang daliri inspirasyon ang hatid sa paligsahan sa pagpipinta

    461
    0
    SHARE

    Isinilang na walang daliri si Jason Dequillo, ngunit hindi ito naging hadlang sa kanyang pagpupursige upang maging mahusay na pintor.

    Kabilang siya sa 137 pintor na lumahok sa isinagawang on-the-spot painting contest ng Diyosesis ng Malolos noong Sabado, Abril 28.

    Kuha ni Dino Balabo

    LUNGSOD NG MALOLOS – Katulad ng mga kapwa pintor, maingat sa pagtitimpla ng kulay si Jason  Dequillo.

    Kalkulado at tiyak ang bawat hagod ng kanyang pinsel at paleta sa canvas, samantalang taimtim ang kanyang isipan sa mga hugis na kanyang ipinipinta.

    Ngunit kakaiba siya sa mga kapwa pintor dahil sa walang daliri sa dalawang kamay ng 34-anyos na si Dequillo, kaya’t ang kanyang pinsel at paleta ay iniipit lamang niya sa kanyang dalawang kamay sa pagbibigay kulay, hubog at buhay sa larawang ipinipinta.

    Ang kalagayang ito ay hindi ikinahiya ni Dequillo, samantalang inspirasyon ang hatid nito sa mga kapwa pintor partikular na sa 136 lumahok sa on-the-spot painting contest na pinangunahan ng Diyosesis ng Malolos noong Sabado, Abril 28.

    Kaugnay nito, napabilang si Dequillo sa 10 pintor na tumanggap ng karangalang banggit sa kalahating araw na paligsahan sa pagpipinta.

    “Mas gusto kong sumali sa mga regular category kaysa dun sa handicapped category, kasi gusto kong ituring nila akong normal na tao,” ani  Dequillo sa panayam habang maingat na kinukulayan ang kanyang obra maestrang may sukat na 18 pulgada ang taas at 24 na pulgada ang lapad.

    Dahil isinilang na walang mga daliri, sinabi ni Dequillo na hindi siya nahihirapan sa pagpipinta at ang pakiramdam niya ay para din siyang may daliri.

    Iginiit pa niya na mula sa edad na 15-taong gulang ay nagsimula na siyang magpinta, at naging hanap buhay niya ito.

    “Alam ko na bawat isa ay binigyan ng kakayahan ng Diyos, pero sa akin, palagay ko ay yung tiyaga at pagpupursige ang pinakamagandang kaloob na nakatulong sa akin,” ani ng pintor na nagmula sa Alabang, Muntinlupa.

    Ikinuwento niya na sa kanyang pagsisimula sa pagpipinta, hindi siya itinuring na seryoso at minaliit ang kanyang kakayahan.

    Ngunit siya ay tinulungan at tinuruan ng mga beteranong pintor na katulad nina Vincent Ramos at Fred Villanueva.

    “Kung hindi dahil sa kanila, hindi ako uunlad, talagang pinagtiyagaan din nila ang pagtuturo sa akin,” ani Dequillo.

    Inamin niya na ang tulong at pagtuturo ng mga beteranong pintor ay lalong nagpataas ng kakayahan at tiwala sa sarili.

    Ito ay nagbunga ng mga ibat-ibang pagkilala kabilang na ang pagkakabilang niya sa unang tatlong kalahok sa taunang prestihiyosong paligsahan ng Government Service Insurance System (GSIS), at bilang isa sa mga finalist sa Harvest painting contest ng Arts Association of the Philippines (AAP) noong nakaraang taon.

    Bilang isang pintor, ipinagmamalaki ang kanyang mga naipintang larawan o portrait, kabilang dito ay ang portrait ni Senador Panfilo Lacson, Dr. Gerry Genuino, at mga alkalde ng mga bayan at lungsod sa timog ng kalakhang Maynila.

    Hinggil sa isinagawang on-the-spot painting contest ng Diyosesis ng Malolos, sinabi niya na sekundarya na lamang ang pagwawagi.

    Sa halip ang pangunahing layunin niya ay higit na mapaunlad ang kakayahan at maialay sa Diyos ang kanyang kakayahan at likhang sining.

    Ang paglahok ni Dequillo ay ikinagalak ng mga kapwa pintor na nagpahayag na sila ay lalong nahikayat at nabigyan ng inspirasyon.

    “He can inspire you, but his perseverance will also stimulate you to work harder,” ani Nards Gomez ng lungsod na ito.

    Kaugnay nito, nasungkit ni Jonathan Joven ng Lungsod ng San Jose Del Monte ang unang karangalan sa on-the-spot painting contest, kasunod si Ronson Culibrini ng lalawigan ng Rizal, at Nilo Badajos ng Hagonoy.

    Ang 10 namang nagkamit ng karangalang banggit ay sina Dequillo, Gomez, Marilou Solano, Edwin Ladrillo, Edwin Flores, Demetrio Padua, Julian Guiligan, Emmanuel Balboa, at ang magkapatid na Edu at Eliseo Perreras Jr.

    Ayon kina Fr. Dars Cabral, tagapangulo ng Commission on Social Communications ng Diyoses ng Malolos, ikinagulat nila ang bilang ng mga pintor na lumahok.

     “We are very grateful to the Arts Association of the Philippines for helping us organize this event,” aniya at sinabing ang mga likhang sining ay kanilang ilalabas sa isasagawang eksibisyon.

    Ipinaliwanag pa ni Cabral na paghahatian ng pintor at Diyosesis ang kikitain sa mapagbebentahan ng likhang sining sa eksibisyon bilang bahagi ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos.

    Ikinagalak din ni Fidel Sarmiento, pangulo ng AAP ang pagbibigay daan ng diyosesis para sa mga pintor.

    Sinabi niya na ang mga katulad na paligsahan ay patuloy na nagpapaunlad sa kakayahan ng mga pintor na kasapi ng AAP.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here