Home Headlines Pinsala ng baha kinaharap sa Brigada Eskwela

Pinsala ng baha kinaharap sa Brigada Eskwela

434
0
SHARE
Ang mga libro at modules sa Frances Elementary School na hindi na papakinabangan matapos na bahain. Kuha ni Rommel Ramos

CALUMPIT, Bulacan — Sa pagsisimula ng Brigada Eskwela sa naturang bayan ay lubog pa rin sa hanggang tuhod na baha ang ilang paaralan dito at tumambad pa ang mga pinsala ng nakaraang bagyuhan.

Gaya ng Frances Elementary School na puro putik at naglulumot na ang tubig sa school canteen na posibleng hindi pa magamit sa pagbubukas ng klase. Ang tatlong classrooms dito ay nasa tatlong taon na ding hindi nagagamit dahil hindi na ito natuyo sa tubig at nasira na maging ang kisame.

Ang mga guro naman sa paaralan ay hirap sa paglilinis dahil sa putik na iniwan ng bahaan habang ang mga libro at modules ng mula Kinder hanggang Grade 6 ay nasira na rin at hindi na magagamit.

Ayon sa school principal ng paaralan na si Fernan Dealca, pati book shelves at printers nila ay nasira na rin ng tubig.

Gayunpaman, aniya, sa kabila ng ganitong sitwasyon ay tiyak ang pagsisimula nila ng klase sa August 29.

Samantala, nagsisipaglinis na rin sa Calizon Elementary School na isa din sa paaralan na nalubog sa tubig.

Ayon sa pamunuan ng nasabing paaralan, pawang mga libro ng Grade 6 ang nasira naman dito ng bahaan.

Ganoon din ang Doña Damiana De Leon Macam Memorial Elementary School sa Barangay San Miguel na lubog pa rin sa hanggang hita na tubig ang 18 silid-aralan dito.

Dahil sa kalagayang ito, hindi muna magagamit ng mga estudyante ang naturang mga classroom at ayon sa school principal na si Michelle Sellestre, gagamit muna sila ng shifting schedule o di kaya ay modular method sa mga mag-aaral.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here