MANA. Ang bunganga nito’y naging isa sa pangunahing pasyalan ng mga turista at ang kanyang iniluwang tone-toneladang buhangin ay tila puting ginto na nagpapayaman sa lalawigan ng Pampanga.
Ito ay ilan lamang sa iniwang mana ng Bulkang Pinatubo na pumutok noong 1991, dalawampung taon na ang nakakaraan.
Dito’y makikita natin na sadyang naiiba talaga ang naturalesa kumpara sa pag-uugali ng tao. Gaano man kalaki ang iniwang pinsala ng bulkan ay kanyang nilunasan sa paglipas ng ilang mga taon. Sa katunayan, ang lalawigan ngayon ay kumikita ng humigit-kumulang sa P1 milyong piso kada araw sa koleksyon lamang ng quarry. Pero ito ay dahil sa pamamalakad ng kasalukuyang gubernador na si Lilia “Nanay Baby” Pineda at hindi dahil sa mag-amang Lito at Mark Lapid na naging gubernador din ng Pampanga.
Ganun din naman ang Capas, Tarlac ay kumikita din sa turismo dahil sa pagdagsa ng mga dayuhang pumupunta o pumapasyal patungo sa bunganga ng bulkan. Dahil dito, maraming mga tao ang nagkaroon ng hanapbuhay at iba pang pagkakakitaan.
Tignan naman natin ang ginawang problema ng tao – ang basura. Tone-tonelada rin ang iniluluwa ng bawat lungsod, ng bawat bayan sa isang lalawigang kagaya ng Pampanga. Subalit hindi ito katulad ng buhangin, ang basura ay nananatiling basura na ginagastusan ng pamahalaan upang ito’y hindi makapaminsala sa ating kalusugan.
Naalala ko tuloy ang isang patalastas nuon na may mensaheng: “Basurang itinapon mo, babalik din sayo.” Bumabalik nga dahil sa hindi malaman ng tao kung papaano ito tutunawin lalung lalo na ang plastik.
Kaya’t kung ating susuriin, nakuha ng maiayos at malunasan ng naturalesa ang kanyang sarili sa nakaraang 20 taon, nananatili parin na pangunahing prublema ang basura sa lalawigan, lalo na ngayon na palaki na ng palaki ang populasyon. Ibig sabihin, kung dumarami ang mga tao ay dumarami rin ang kanilang itinatapong basura.
Kaya’t gaano man kalaki ang kinikita ng pamahalaan ng Pampanga sa quarry, hindi ito sasapat upang lubusang masolusyunan ang problema sa basura.
Ngunit sa kabila nito, kung noong pumutok ang Pinatubo at nanalasa ang lahar sa iba’t ibang parte ng Pampanga ay nagkaisa tayo, lalong dapat na magkaroon ng pagkakaisa ngayon upang tuluyang magkaroon ng pangmatagalang lunas sa basura.
Maliban sa mga negosyante, ang mga ordinaryong mamamayan ay dapat na matutong mag-segregate ng basura dahil ito’y makakatulong ng malaki sa panig ng mga nangongolekta nito at sa gubyerno.
ABUSADO. Maliban sa literal na basura, dapat narin itapon ang mga empleyadong nakakasira sa gubyerno, pati na ang isang kapitan ng barangay sa lungsod ng Angeles na diumano’y nang-harass ng isang sangguniang kabataan chairwoman. Ayon narin sa magandang dilag, ikinulong siya ng pwersahan ng kapitan sa isang silid sa barangay hall sa hindi malamang kadahilanan.
Natatakot umano ang biktima na magsampa ng kaso dahil ang nasabing kapitan ay mayaman at ma-impluwensya.
ARAL. Sa pagputok ng Pinatubo, maraming aral akong natutuhan at namasdan. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat, sa mga pagkakataong tila nawawalan na tayo ng pagasa, tunay na walang ibang matibay na saligan kundi ang Diyos. Hindi ang salapi o ang kayamanan ang makapagliligtas sa iyo sa kapahamakan, kundi ang kapanatagan ng loob at ang maningas na panalangin sa tunay na Diyos na hindi kunsintidor. Ito ay dahil sa magagawa Niya ang hindi natin magagawa.