Pinakbet pandesal ilulunsad sa 2013

    483
    0
    SHARE

    Bilang bahagi ng eksibisyong Panaderong Bulakenyo na bahagi ng taunang Singkaban Fiesta, ipinakikita ni Cornelia Reyes ng Barasoain Bakeshop sa Malolos ang halimbawa ng produktong malunggay pandesal. 

    Kuha ni Dino Balabo

    MALOLOS—Tiniyak ng isa sa mga pangunahing panadero sa Bulacan ang paglulunsad ng ‘pinakbet’ pandesal sa susunod na taon.

    Ito ay matapos na itampok ang mga pandesal na may sangkap na gulay tulad ng malunggay, kalabasa at ampalaya sa eksibisyong “Panaderong Bulakenyo” noong Lunes, Setyembre 10 o ang ikatlong araw ng taunang Singkaban Fiesta sa kapitolyo.

    Ang pagsasangkap ng mga gulay sa pandesal ay bahagi ng pagtatangka ng pamahalaang panglalawigan at ng mga panaderong Bulakenyo na makapaghatid ng higit na masustansiyang pagkain sa mga mamimili.

    Ayon kay Evelyn Dumlao, may-ari ng Enlin’s Bakeshop, nakahanda na sila ilunsad ang pinakbet pandesal sa Enero ng susunod na taon.

    Ang pinakbet pandesal ay sasangkapan ng ibat-ibang gulay na isinasangkap sa ulam na pakbet, tulad ng okra, talong, ampalaya at iba pa.

    Ngunit bago ilabas ang pinakbet pandesal, sinabi ni Dumlao sa isang esklusibong panayam,  ilulunsad muna nila sa susunod na buwan ang pandesal na may sangkap na saluyot.

    “By October, saluyot pandesal ang ilulunsad namin, at yung pinakbet ay early next year, baka sa January,” aniya.
    Ang magkasunod ng paglulunsad ay bahagi ng patuloy na inobasyon ng Enlin’s sa industriya ng panaderya sa lalawigan.

    Una rito, inilunsad nila ang mga pandesal na may sangkap na malunggay, kalabasa at ampalaya noong 2008.

    Ang mga nasabing pandesal ay nasimulan nang ibenta ng Enlin’s sa kanilang mga sangay sa Hagonoy, lungsod ng Meycauayan at sa punong tindahan sa Barangay Pinagbakahan sa lunsgod ng Malolos.

    “Nahihirapan daw magpakain ng gulay ang mga nanay sa mga anak nila, kaya sinubukan namin ang mga vegetable flavor pandesal,” ani Dumlao.

    Inihalimbawa niya ang pandesal na may sangkap na ampalaya na ayon sa kanya ay pabor din sa mga may sakit na diabetes.

    Ipinagmalaki ni Dumlao na sariwang ampalaya ang kanilang inihahalo sa nasabing pandesal. Kung lasa naman ang pag-uusapan, tiniyak niya na hindi ito mapait. “Lasang pandesal pa rin, pero nanduon na yung sustansiya ng ampalaya,” aniya.

    Iginiit pa ni Dumlao na ang inobasyong isinasagawa nila ay isang tugon nila sa mahigpit na kumpetisyon ng mga panaderya sa Bulakan.

    Inayunan din ito nina Teresita Boado, ang tagapagtatag ng Barasoain Bakeshop na mahigit ng 50 taon sa industriya. Iginiit niya na ang inobasyon ay maghahatid ng mas mataas na kalidad ng produkto ng mga panaderya sa lalawigan.

    Ang Barasoain Bakeshop na may mga sangay sa harap ng simbahan ng Barasoain at sa barangay Tabang, Guiguinto ay mas nakikilala sa natatanging ensaymadang Malolos at inipit.

    Sa kanyang pahayag, sinabi ni Boado na pagkatapos niyang mag-aral ng kursong kulinarya ay sinikap niyang matukoy ang eksaktong timpla at pagluluto ng mga nasabing produkto, na hanggang sa ngayon ay siya pa ring ginagamit ng Barasoain Bakeshop.

    Kaugnay nito, sinabi ni Cornelia Reyes, isa mag namamahala sa Barasoain Bakeshop na magsasagawa pa rin sila ng dagdag na inobasyon sa kanilang mga produkto.

    Bilang isa sa mga kalahok sa Panaderong Bulakenyo na naghanda ng mga pandesal na may sangkap na malunggay at kalabasa, sinabi ni Reyes na nakaplano na rin ang paggawa nila ng mga tinapay na may sangkap na iba pang gulay.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here