Kinakitaan ng pag-asa ng magsisibuyas na si Dionisio Pascua ang pagpapatayo ng cold storage ng Bongabon LGU. Kuha ni Armand Galang
BONGABON, Nueva Ecija – Noong March 5 pa nang anihin ng magsasakang si Dionisio Pascua, 42, ang may 400 red bag ng sibuyas subalit matapos ang may dalawang linggo ay marami pa rin ang hindi nabebenta.
Ayon kay Pascua, sinisikap niyang maiabot sa hanggang P35 – P40 bawat kilo ng kanyang pulang sibuyas kumpara sa kasalakuyan na P23 bawat kilo na alok ng malalaking negosyante.
“Baka sakaling kumita po nang konti,” ani Pascua habang “nagsasaki” o nag-aayos ng kanyang mga produkto. Sa taas raw ng inputs ay lugi sila sa P23/kilo.
Habang wala pa ang kanyang pangarap na presyo ay sinusubukan ng kanyang pamilya na magtingi sa gilid ng Nueva Ecija-Aurora Road sa bayang ito. Bagama’t habang tumatagal ay dumarami ang nabubulok sa kanyang sibuyas dahil sa kawalan ng access sa cold storage.
Mayroon naman umanong malalaking negosyante na bumibili ngayon sa P30/kilo ngunit ito ay sa pinakamataas na klase ng sibuyas at “pinapatay ang isang kilo” o isang kilo ang hindi babayaran sa bawat red bag.
Si Pascua ay isa lamang sa maraming magsasaka ng sibuyas sa may kabuuang 2,500 ektaryang sibuyasan ngayon season, batay sa record mg lokal na pamahalaan.
Tinatayang nasa 100 ektarya dito ang lubusang sinalanta ng army worm o harabas, ayon kay Mayor Allan Xystus Gamilla.
Ayon sa alkalde, dahil sa sumobrang taas-presyo ng pesticide at iba pang inputs ay pinanghinaan na ng loob ang mga magsasaka na kinakapos sa puhunan.
“‘Yung medyo mahaba ang pisi ay nagpatuloy, nag-spray at sila yung umaani,” pahayag ni Gamilla.
Dagdag pa nito, tuloy-tuloy ang suporta ng lokal at pambansang pamahalaan sa mga magsasaka upang maitawid ang kanilang kabuhayan.
Kabilang dito ang pamimigay ng buto ng sibuyas, binhi ng palay, at abono. May siyam na makina rin ang LGU na ipinagagamit nang libre, pati na ang krudo, para sa land preparation.
Sa pangmatagalang solusyon, kasalakuyang itinatayo ngayon ang agriculural trading post kung saan dadalhin ang mga produkto ng lokal na magsasaka, ayon kay Gamilla.
Proteksyon raw ito ng mga magsasaka mula sa mga mapagsamantalang trader.
Sa darating na buwan ay sisimulan na rin ang konstruksyon ng cold storage na bubuksan nang libre sa mga lokal na magsisibuyas.
“Hindi lang importation at smuggling ang kalaban ngayon. Pati ang mga cold storage ay pinapakyaw na rin ng mga negosyante,” sabi ni Gamilla.
Bago pa raw mamili ng sibuyas ay inuupahan na ng ilang businessmen ang mga pribadong cold storage kaya walang mapagdalhan ang mga magsasaka habang maghihintay ng mataas na presyo. Sa gayo’y napipilitan silang ibenta ang ani sa presyong idinidikta ng traders.
“Hindi tumitigil.ang pamahalaan upang matulungan ang ating mga magsasaka,” paniniyak ni Gamilla.
Umaasa naman si Pascua na magtatagumpay ang ganitong mga proyekto. “Kung papatok po ay malaking tulong sa amin,” ani Pascua.