NAPAKA-kapal naman ng pagmumukha
nitong sa Philhealth ay tagapangasiwa
at mga kasabuwat nito na gumawa
ng pagkaperaan sa simpleng salita.
Akalain po ba nating maibulsa
ng mga dorobo itong pondong pera
nga r’yan nitong ating naturang ahensya
ang para sa pangkalusugan ng masa?
Kung saan at kailan ang bansa ay gipit
sa pananalapi ay saka kinupit
ng kung sinu-sino riyang opisyales
sa Philhealth ang higit sa kinse bilyones.
Sa napakasimpleng pag-‘padding of prices’
ng mga binili nilang ‘desktop computers,’
na ang presyo nitong bawat isang ‘unit’
Php 87,000.00 umano ‘more or less?’
Aba’y ginto ba ang kaha at ‘hard disk’ niyan,
kung kaya iyan ay ubod ng kamahal?
Hindi na ba nila naisip man lamang,
na pang-‘Ripley’s Believe It o Not’ ang ganyan?
Hindi na ba sumagi man lang isip
nitong kahit isang opisyal sa Philhealth,
na ang halaga isang bagong ‘unit,’
na set ng computer sa treynta di higit?
Ipaghalimbawa ng tig-isang daang
libong piso bawat isang set, kabayan
aabutin ba ng bilyones pati riyan
ang mga lamesa na pagpapatungan?
Ang pagtatadyakan sa puwesto di sapat
na parusa para sa mga hayupak,
kundi ipakulong itong lahat-lahat
na ng kabilang r’yan sa pangungulimbat.
At huwag na nang bigyan pa ng pagkakataon
na mailipat lang sa Custom at BuCor,
gaya ng ginawa ni Digong kay Faeldon,
kung saan para lang itong nag-rigodon?
‘But due process of law’ din naman ang sukat
masunod bagaman ‘kangaroo court’ dapat
ang sa kaso nitong mga talipandas,
itong sa sentensya dapat magpatupad.
(Yan ay kung totoong nagkasala sila
ng pangungurakot at di lang kumbaga
panakip butas ng tunay na maysala,
na posibleng matindi ang impluwensya).
Hirap na nga’ng bansa sa pananalapi
sanhi ng pandemya at iba pang uri
ng kalamidad ay saka naburiki
ang kaban ng ganyan kalaking salapi?
Na kung saan dapat may maparusahan
ng ‘life sentence’ at/o ng higit pa riyan,
pero nang dahil sa wala na ngang bitay,
wala nang sumunod pa kay Echegaray.
Ngayong ang kriminal ay ligtas na sa ‘death’
na dapat ipataw, ang pinaka-‘the best,’
na parusa ibitin nang patiwarik
kung mapatunayan na sila’y nangupit.
Upang sa lahat ng ‘government official’
ang ginawa nila ay magsilbing aral,
pati na rin sa kung tawagin ‘rank and file’
nang sa gayon sila ay di pamarisan!