SAN MIGUEL, Bulacan (PIA) — Naitayo na ang Phase 1 at 2 ng tinaguriang “Bayani City” sa loob ng Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan.
Sentro nito ang Military Operations on Urban Terrain (MOUT) Training Facilities para sa First Scout Ranger Regiment (FSRR) ng Philippine Army.
Ayon kay FSRR Commander Col. Isagani Criste, dinisenyo ang MOUT bilang isang “mock city” upang sanayin ang mga kawal sa isang labanan na may maraming gusali, kalye at kongkretong kapaligiran.
Mahahasa aniya ang kanilang kasanayan upang tumugon at maging matagumpay ang operasyon sa isang urban-based conflict.
Sinabi ni Criste na ngayong nasa ika-73 taon na ang FSRR, mayroon itong mga panibagong misyon sa pagtupad ng mandato na ipagtanggol at ipaglaban ang estado sa lahat ng uri ng banta sa panloob na seguridad at soberenya.
Kalakip nito ang patuloy na pagsasaayos at pagkakaroon ng mga modernong kagamitan at makabagong pasilidad upang lubos pang palakasin ang kakayahan ng mga kawal sa larangan ng urban warfare.
Lalo pang napatunayan ang katapangan at kagalingan sa taktika ng FSRR sa kasagsagan ng pagkubkob hanggang mapalaya ang lungsod ng Marawi noong 2017.
Sa Phase 1 ng “Bayani City”, pangunahin sa mga itinayo ang apat na palapag na tower ng MOUT, isang bunker at iba pang kaugnay na pasilidad para sa isang urban terrain conflict.
Mayroon din itong dalawang linya na access road na tila isang lungsod ang kapaligiran.
Ayon kay Department of Public Works and Highways Bulacan 2nd District Engineer George Santos, sinimulan ang P24.1 milyong proyekto noong 2022 habang ang Phase 2 ng MOUT ay nagkakahalaga naman ng P9.7 milyon.
Matatagpuan sa Phase 2 ang dalawang yunit ng isang palapag na gusali na may roof deck at isang yunit na dalawang palapag na gusali na mayroon ding roof deck.
Nagpagawa rin ng isang 136.3 lineal meter na kalsada na may kasamang drainage system.
Pinondohan ito sa ilalim ng Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan At Seguridad na isang convergence program ng DPWH at Department of National Defense para sa pagpapabuti ng mga pasilidad sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines.
Samantala, nagbigay ng teknikal na tulong ang Estados Unidos sa paraan ng pagtatayo ng MOUT sa pamamagitan ng Naval Facilities Engineering Systems Command.
Bahagi ito ng pinaigting na counterterrorism at security cooperation ng Pilipinas at Amerika na mas pinagtibay noong 2017.
Kaugnay nito, nakapaloob sa planong Phase 3 ang pagpapatayo ng fire station, police station, tatlong palapag na gusali, dalawang palapag na gusali, isang palapag na gusali, at isang isang tunnel.
Nakalinya rin ang pagtatayo ng iba pang pasilidad gaya ng kapilya, paaralan, ospital, palengke, gusali ng gobyerno at tulay. (CLJD/SFV-PIA 3)