Home Headlines PH Carabao Center nakatutok sa feeding program ng pamahalaan

PH Carabao Center nakatutok sa feeding program ng pamahalaan

606
0
SHARE

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ (PIA) — Nakatutok ang Philippine Carabao Center (PCC) sa pag-abot ng demand para sa mga feeding program ng pamahalaan.

Dito ay katuwang ng ahensiya ang mga kooperatiba upang matiyak ang suplay ng gatas para sa mga milk feeding program ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development, na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Batas Republika Bilang 11037 o Ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.

Ayon kay PCC OIC-Executive Director Caro Salces, kabilang sa mga inisyatibo upang masiguro ang tuloy-tuloy na delivery ng gatas ng kalabaw mula sa mga magsasaka sa bansa ay ang pagkakaroon ng retort facilities.

Mayroon na aniyang napakikinabangang retort facilities sa lungsod agham ng Muñoz sa Nueva Ecija at sa mga lalawigan ng Isabela, Batangas at Sorsogon.

Plano ring makapagpatayo sa Bohol at Zamboanga del Sur upang makapagbigay ng serbisyo sa Visayas at Mindanao.

Ang retort technology ay kinabibilangan ng paggamit ng airtight packaging at heat processing para sa sterilization, gayundin ay mapahaba ang shelf life ng produkto nang masiguro ang kalidad at ligtas na pagkonsumo nito kahit pa ibyahe sa malayong lugar.

Patuloy na pinagsisikapan ng Philippine Carabao Center, katuwang ang mga kooperatiba ng maggagatas, na masiguro ang suplay ng gatas ng kalabaw para sa mga feeding program ng pamahalaan. (PCC)

Handa rin ang ahensiya na magtatag ng milk laboratory sa 12 regional center sa buong bansa upang ilapit at ialok sa mga maggagatas ang pagpapasuri ng kalidad ng mga produkto.

Kabilang pa sa mga tinututukan ng PCC ay ang pagsusulong ng National Dairy Herd Improvement System katuwang ang Korea International Cooperation Agency na hangad makatulong sa pagpapaunlad ng produksyon ng mga maliliit na magsasaka o nagsisimula pa lamang sa industriya.

Sa pamamagitan ng nabanggit na programa ay layunin na mapataas ang produksiyon ng gatas mula sa pagpaparami at wastong pangangalaga ng mga kalabaw, at maraming pang iba.

Samantala, 50 porsyento ng kailangang suplay ng gatas ng kalabaw para feeding program sa susunod na taon ay manggagaling sa mga kooperatiba na tinutulungan ng PCC habang ang natitirang kalahati ay magmumula naman sa mga kooperatiba na inaagapayanan ng National Dairy Authority.

Sa datos ng PCC, humigit 4.2 milyong undernourished na mga kabataan na ang nabenipisyuhan sa mga milk feeding program ng pamahalaan simula pa taong 2019.

Nasa 53 assisted cooperatives naman ng PCC ang natulungang mapataas ang kita sa ilalim ng nasabing programa, na sa pangkalahatan ay umabot na sa halagang dalawang bilyong piso ang kanilang naging kita. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here