Home Headlines Petron rehistrado na sa Bataan freeport

Petron rehistrado na sa Bataan freeport

1128
0
SHARE

Petron refinery in Limay Bataan. FB photograb



MARIVELES, Bataan
Kabilang na sa mga rehistradong enterprises ng Freeport Area of Bataan dito ang Petron Corp. matapos aprubahan ng Authority of the Freeport Area of Bataan.

Inanunsiyo ngayong Biyernes ni AFAB information officer Hazel Keith Ellorin ang magandang balita na inaasahang makakabuti sa mga manggagawa at maging sa kumpanya mismo ng pinakamalaki at natitirang oil refinery sa bansa.

Idineklara ng AFAB na 12th FAB expansion area sa labas ng Mariveles ang Petron na matatagpuan sa Petron Bataan Refinery complex sa bayan ng Limay.

Ayon kay Ellorin, ang Petron ay 238-ektaryang integrated crude oil refinery at petrochemical complex na may kinalaman sa processing ng full range of petroleum products, kabilang ang gasoline, diesel, LPG, jet fuel, kerosene at petrochemicals na nasa Barangay Lamao, Limay.

Ang iba pang expansion area ng FAB ay matatagpuan sa mga bayan ng Dinalupihan, Abucay at Pilar at Lungsod ng Balanga.

“Sa pag-ooperate ng Petron sa ilalim ng Bataan freeport, ito ay makakatulong ng malaki para sa patuloy  na pag-asenso at pagkakaroon ng masiglang investment sa Limay at maging sa buong Bataan,” sabi ni Ellorin.

Nangako, aniya, ang Petron na maglagay ng dagdag na investment sa halagang P3 billion sa loob ng limang taon.

“Kinonsidera ng AFAB board ang application na makakatulong sa Petron upang mas maging competitive at makapagpatuloy na mag-operate ng refinery at patuloy na makapag-supply ng produktong petrolyo sa bansa,” sabi naman ni AFAB senior information officer Karen Padaoan.

Gumagastos, ani Padaoan, ang Petron ng bilyong piso para sa taxes at mahigit P500 million para sa corporate social responsibility nito na nakakapag-ambag sa nation-building at paglago ng ekonomiya sa Bataan.

Sinabi ni AFAB administrator Emmanuel Pineda na ang AFAB sa rekomendasyon ng LGU ay may karapatang magtayo ng special economic zones sa alinmang bahagi ng Bataan.

Ito, aniya, ay batay sa Section 2 ng Republic Act 11453 o “An Act Further Strengthening the Powers and Functions of the Authority of the Freeport Area of Bataan.”

Inindorso ng local government ng Limay ang registration ng Petron matapos hilingin ng mga manggagawa at management mismo ng kumpanya kina Limay Mayor Nelson David at Vice Mayor Ritchie David na mapigilan ang pagsasara ng oil refinery.

Ayon sa vice mayor, ang Petron ay may problema sa taxation na sinabayan pa ang mahinang demand sa diesel fuel dahil sa pandemya.

Sa mga media report, sinasabing inanunsiyo ni Petron Corp. president Ramon Ang ang napipintong pagsasara ng refinery ngayong Enero.

Wala pang makausap kung itutuloy ang balak na pagsasara ng refinery o hindi na dahil sa pagkakaapruba ng Petron bilang FAB-registered enterprise.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here