CABANATUAN CITY – Ibinasura ng Commission on Elections ang petisyon na naglalayong ipawalang bisa ang certificate of candidacy ni incumbent 3rd District Rep. Rosanna Vergara.
Sa 11-pahinang resolusyon na inilabas nitong Martes, sinabi ng Comelec First Division na walang merito ang petisyon na inihain ni Philip Piccio, isang kandidatong alkalde sa Cabanatuan City. Ang desisyon ay nilagdaan ni Commisioner Al Pareño, bilang presiding commissioner.
Sa kanyang petisyon, iginigiit ni Piccio na hindi botante at hindi rehistrado si Veargara sa Barangay Rizdelis, katulad ng inilagay niya sa COC.
Batay sa rekord si Vergara ay dating rehistrado sa Barangay Bantug Norte, Cabanatuan City ngunit lumipat siya sa Rizdelis noong Dec. 27, 2000.
Ang bagong rehistrasyon ay na-validate noong Dec. 7, 2003 alinsunod sa Comelec Resolution No. 6294, batay sa mga dokumento na isinumite sa First Division.
Sabi ni Piccio, American citizen daw si Vergara nang maglipat rehistro kaya wala itong bisa.
Ngunit ayon sa Comelec, malinaw na rehistrado si Vergara sa Bantug Norte si Vergara, nag-apply sa paglipat sa Rizdelis noong Dec. 27, 2000 at pinagtibay naman ng Election Registration Board.
Ipinunto pa ng Comelec na hindi nakakansela at hindi naaalis ang naturang rehistrasyon kaya ito ay may bisa.
Si Vergara ay naunang naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde ngunit kalaunan ay nagpalit para muling kumandidato sa pagka-kongresista.