Petisyon ni Gob ibinasura

    447
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Gob. Joselito Mendoza na itigil ng Commission on Elections (Comelec) ang pagrebisa sa election protest na isinampa ni dating Gob. Roberto Pagdanganan laban sa kanya noong 2007.

    Sa halip ay sinabi ng Korte Suprema sa Comelec na ipagpatuloy ang proseso sa nasabing election protest.

    Nanawagan naman si Mendoza na isantabi muna ang pamumulitika at unahin ang rehabilitasyon sa Bulacan na nasalanta ng bagyong Ondoy. Sinabi naman ni Pagdanganan na hindi siya namumulitika.

    Batay sa 24 na pahinang desisyong ipinalabas ng Korte Suprema noong Oktubre 15, buong pagkakaisang ibinasura ng mga mahistrado ang alegasyon sa petisyon ni Mendoza na may iregularidad sa proseso ng Comelec sa pagdinig sa protesta ni Pagdanganan kaya’t dapat itigil iyon.

    Sa kanyang petisyon, sinabi ni Mendoza na nilabag ng Comelec ang kanyang karapatan ang ipagpatuloy nito ang proseso ng pagsusuri sa mga balota ng hindi sinasabi sa kanya.

    Kinuwestiyon din ni Mendoza ang diumano’y “secret proceedings” sa Comelec at ang mga atas noong Abril 29 at Mayo 26 ng ituloy nito ang pagrebisa sa mga balota, na ngayon ay nasa kustodiya ng Senate Electoral Tribunal (SET) na dumidinig naman sa kasong isinampa ni Aquilino “Koko” Pimentel laban kay Senador Juan Miguel Zubiri.

    Ngunit para sa Korte Suprema, walang nilabag ang Comelec at ito ay walang obligasyon na iparating kina Mendoza at Pagdanganan ang mga hakbang na gagawin para sa deliberasyon ng mga merito ng provincial election protest.

    Sinabi pa ng Korte Suprema na ang kinuwestiyong proseso sa SET ay hindi na bahagi ng “adversarial aspect” ng isang election protest kaya’t hindi na kailangang ipabatid pa ng Comelec kina Mendoza at Pagdanganan ang isinagawang pagdinig.

    Sa nasabi ring desisyon, inalis na ng Korte Suprema ang “status quo order” na kanilang ipinalabas laban sa Comelec noong Hulyo 24.

    Ito ay nangangahulugan na dapat ng ipagpatuloy ng Comelec ang proseso ng pagdinig sa kaso at desisyunan iyon.

    Kaugnay nito, nagpalabas ng opisyal na pahayag si Mendoza noong Linggo, Oktubre 18 kung saan ay nanawagan siya na isantabi muna ang pulitika at unahin ang rehabilitasyon ng lalawigan na nasalanta sanhi ng bagyong Ondoy.

    “Please, let us forget politics and personal interest for a moment.  There is much to be done in Bulacan. Our people need us now more than ever,” ani Mendoza.

    Sa kanyang opisyal na pahayag, pinayuhan pa ni Mendoza si Pagdanganan ng sabihin niyang, “I strongly advise Former Bulacan Gov. Roberto Pagdanganan to put his personal interest aside while Bulacan is mired in misery after the typhoon and the local government unit is at its wits end on how to reach out to all those who have been affected by Typhoon Ondoy.”

    Sinabi pa niya na “I lamented that while he has been doing everything to alleviate the suffering of Bulakeños, Pagdanganan has been peddling false information about my leadership causing confusion in times when we should be giving hands to those who suffer.

    Iginiit pa ni Mendoza na “as I have said before, I welcomed the filing of protest as I maintained my stand that I won by the will of the people.”

    Natawa naman si Pagdanganan ng makapanayam ng Punto sa telepono hinggil sa opisyal na pahayag ni Mendoza.

    Sinabi niya na noong si Mendoza ay nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema  ay “wala silang sinabing namumulitika, ngayong nagdesisyon ang Supreme Court ako ang pinalalabas nilang namumulitika.”

    Sinabi rin ng dating gubernador na patuloy siyang tumutulong sa mga Bulakenyo sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga relief goods.

    Isang halimbawa ay ang ginawa nilang pamamahagi ng relief goods sa bayan ng Calumpit noong Huwebes, Oktubre 22.

    Pinayuhan din niya si Mendoza na “yung totoo lang ang dapat niyang sabihin sa tao, hindi yung kung ano-ano ang idinadahilan niya.”

    Matatandaan nagsagupa sa halalan sa pagkagubernador sina Mendoza at Pagdanganan noong 2007.

    Bago lumabas ang resulta ng halalan, nasunog ang tanggapan ng accounting sa kapitolyo at ang mga kalsadang patungo sa Hiyas ng Bulacan Convention Center(HBCC) kung saan isinagawa ang bilangan ng boto ay hinarangan ng mga dumptruck at maraming pulis na nakabantay sa paligid nito.

    Matapos ang mahigit isang linggo, iprinoklama ng Comelec si Mendoza bilang gubernador, ngunit ilang araw ang nakalipas ay nagsampa ng election protest si Pagdanganan sa punong tanggapan ng Comelec sa Maynila.

    Sa panayam ng Punto kay Pagdanganan noong huling bahagi ng nagdaang taon, sinabi niya na lumamang siya sa muling pagbilang sa mga balota at posible siyang muling maupong muli bilang gubernador.

    Tinugon naman ito ni Mendoza na imposibleng maupo muli si Pagdanganan.

    Sa isang panayam kay Mendoza nitong Marso, nagpahayag siya ng kumpiyansa na magtatagal ang protesta ni Pagdanganan laban sa kanya dahil sa inilipat sa SET ang mga balota galing sa Bulacan bilang bahagi ng pagrebisa sa isinampang election protest ni Pimentel laban kay Senador Zubiri.




    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here