KAMI PO sa Advocate for Genuine and Outstanding Services (AGOS) ay magalang ngunit mariing naghahain ng Petisyon at Liham-Protesta kaugnay ng Ordinansa Blg. 740, S-2025 ng Sangguniang Panlungsod ng Angeles City, na nagpapangalan sa isang pampublikong pasilidad sa Barangay Pampang bilang “Jose Lapid Sports Complex.”
Ang nasabing Ordinansa ay nagbubunsod ng seryoso at magkakaugnay na usaping legal, historikal, administratibo, at etikal, na sa aming masusing pagsusuri ay maaaring taliwas sa Local Government Code of 1991 (RA 7160), sa mga umiiral na patakaran at memoranda ng DILG, sa mga alituntunin ng Commission on Audit, at sa malinaw na anti-EPAL policy ng pambansang pamahalaan, kabilang ang mga probisyon ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
Kawalan ng Lokal na Ugnayan at Dokumentadong Ambag
Batay sa umiiral na mga rekord at makasaysayang tala, walang dokumentadong ebidensiya na si Jose Songco Lapid ay: nanirahan sa Lungsod ng Angeles; nagkaroon ng tiyak at direktang proyekto o programang ipinatupad sa lungsod; o nag-ambag sa kaunlaran ng Barangay Pampang o ng Angeles City sa anumang konkreto, nasusukat, at mapapatunayang paraan.
Sa kabila nito, ang Ordinansa ay gumagawa ng malalawak at pangkalahatang pahayag ukol sa umano’y “remarkable contribution” nang hindi tinutukoy ang mga kongkretong gawa, petsa, proyekto, o resulta sa loob ng hurisdiksiyon ng lungsod. Ang ganitong uri ng deklarasyon ay hindi sapat at hindi katanggap-tanggap bilang batayan ng isang opisyal na parangal ng pamahalaang lokal.
Maling Paglalapat ng NHCP Naming Guidelines
Binabanggit sa Ordinansa ang Section IV (1) ng Revised Guidelines ng National Historical Commission of the Philippines. Gayunman, malinaw sa nasabing alituntunin na ang pararangalan ay dapat may malinaw, tiyak, at mapatutunayang ambag na may direktang kaugnayan at kabuluhan sa lokalidad na nagpapangalan ng pasilidad. Sa kasong ito, walang naitatag na tuwirang lokal na koneksiyon sa pagitan ni Jose Songco Lapid at ng Lungsod ng Angeles. Dahil dito, lumilitaw na ang nasabing NHCP guideline ay maling naangkop, maling ginamit, o ginamit lamang bilang palusot upang bigyang-katwiran ang Ordinansa.
Pampulitikang Anino at Hindi Personal na Ambag
Kapansin-pansin sa nilalaman ng Ordinansa na ang mga papuri at paglalarawan ay higit na tumutukoy sa mga nagawa ng ibang kasapi ng pamilya, partikular ng isang kasalukuyang halal na opisyal, kaysa sa personal, tuwiran, at independiyenteng ambag ng mismong taong ipinangalan sa pasilidad.
Ito ay nagbubukas ng makatwirang hinala na ang Ordinansa ay hindi tunay na pagkilala, kundi isang simbolikong pagpapalawig ng impluwensiyang pampulitika, na salungat sa diwa ng neutralidad, propesyonalismo, at depolitisasyon ng pampublikong pasilidad.
Pampublikong Ari-arian, Pampublikong Pananagutan
Ang nasabing Sports Complex ay itinayo gamit ang pondo mula sa buwis ng mamamayan. Ito ay pampublikong ari-arian, hindi pribadong donasyon ng sinumang indibidwal o pamilya. Dahil dito, ang pangalan at identidad ng pasilidad ay dapat kumatawan sa kolektibong alaala, kasaysayan, at dangal ng Lungsod ng Angeles, at hindi sa isang apelyido, pamilya, o impluwensiyang pampulitika, direkta man o hindi direkta.
Paglabag sa Anti-EPAL Policy ng DILG, 2026 GAA, at COA Rules
Kaugnay nito, binibigyang-diin namin ang kamakailang pahayag at paninindigan ng Department of the Interior and Local Government, sa pamumuno ninyo, na hinihikayat ang publiko na iulat ang mga “epal” na opisyal na gumagamit ng kanilang pangalan, larawan, o maging ng pangalan ng kanilang mga kamag-anak sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Ang paninindigang ito ay umaayon at nagbibigay-buhay sa: mga probisyon ng 2026 GAA. na mahigpit na nagbabawal sa paglalagay ng pangalan, larawan, logo, o anumang simbolo ng sinumang pulitiko o kanilang mga kamag-anak sa mga proyektong pinondohan ng pambansang badyet; mga circular at alituntunin ng COA, na nagtatakda na ang mga project signages at public notices ay dapat maglaman lamang ng mahahalagang impormasyong teknikal tulad ng pangalan ng proyekto, kontratista, petsa ng pagsisimula at target completion—at hindi ng mga pangalan ng pulitiko; at mga DILG memoranda at issuances na nagbabawal sa anumang anyo ng self-promotion, indirect credit-grabbing, o political branding sa mga pampublikong pasilidad at programa.
Bagaman ang kasong ito ay nasa anyo ng pagpapangalan ng pasilidad, malinaw na ang diwa at epekto nito ay umaabot sa mismong pinsalang tinutukoy ng anti-EPAL policy—ang paggamit ng pampublikong ari-arian upang palakasin ang pampulitikang identidad o impluwensiya ng isang pamilya.
Kawalan ng Public at Committee Hearings
Batay sa aming beripikasyon, walang sapat na tala na ang Ordinansa Blg. 740, S-2025 ay dumaan sa: pormal na committee hearing at-pampublikong pagdinig. Ito ay malinaw na taliwas sa diwa ng participatory governance at due process na itinatadhana ng RA 7160, gayundin sa mga pamantayan ng transparency at accountability na patuloy na isinusulong ng DILG.
Ang kawalan ng mga pagdinig ay: nagkait sa mamamayan ng karapatang marinig; nag-alis ng pagkakataon para sa masusing legal at historikal na pagsusuri; at naglalagay sa Ordinansa sa panganib ng pagkawalang-bisa at administratibong pananagutan.
Pakiusap sa DILG
Dahil dito, kami po ay magalang na nananawagan sa Tanggapan ng Kalihim ng DILG na: 1. Suriin at repasuhin ang Ordinansa Blg. 740, S-2025 sa ilalim ng DILG supervisory authority; 2. Tukuyin kung may paglabag sa Local Government Code, 2026 GAA, COA circulars, DILG issuances, at mga prinsipyo ng good governance at anti-EPAL policy; 3. Irekomenda ang suspensyon o pagpapatigil ng implementasyon ng Ordinansa habang ito ay sinusuri; at 4. Mag-utos ng imbestigasyong administratibo, at kung mapapatunayang may paglabag, magpataw ng kaukulang parusa laban sa mga responsableng opisyal ng nakaraang Sangguniang Panlungsod, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Ang petisyong pong ito ay hindi laban sa anumang pamilya o personalidad, kundi isang malinaw na paninindigan pabor sa batas, kasaysayan, at dangal ng Lungsod ng Angeles, at sa karapatan ng mamamayan sa isang tapat, makabuluhan, at hindi epal na pamamahala.
Lubos po kaming umaasa sa agarang at makatarungang aksiyon ng inyong tanggapan. Maraming salamat po.
Lubos na gumagalang,
ALEXANDER S. CAUGUIRAN
Kinatawan at Co-Convenor Advocate for Genuine and Outstanding Services (AGOS) Angeles City



