Home Headlines Perpetual ban sa kontratista ng proyektong ‘patay na pinipilit buhayin’ sa Plaridel,...

Perpetual ban sa kontratista ng proyektong ‘patay na pinipilit buhayin’ sa Plaridel, ipinataw ng DPWH

85
0
SHARE
Sinuri ni Public Works and Highways Secretary Vivencio Dizon ang isang proyektong kontra baha sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan. Tinagurian itong proyekto na 'patay na pinipilit buhayin' dahil deklarado na itong nagawa at natapos noong 2024 ngunit hindi talaga sinimulan ang mismong proyekto. Dahil dito, nais ng kalihim na bigyan ng perpetual ban ang mga kontratista na gumawa nito. Gayundin ang pagsasampa ng malakas na kaso laban sa mga taga DPWH na sangkot dito. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

PLARIDEL, Bulacan (PIA) — Habang panahon nang hindi makakakuha ng anumang kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kontratista at mga kaugnay na kompanya, na nasa likod ng dapat sana’y proyekto kontra baha na naging ‘guni-guni’ na lamang.

Iyan ang tiniyak ni DPWH Secretary Vivencio Dizon matapos ang ginawang inspeksiyon sa ginagawang dike na nasa gilid ng Angat River at malapit sa North Luzon Expressway sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan.

Ipinaliwanag ng kalihim na ito ang proyektong ‘patay na pero pinipilit pa ring buhayin’.

Ibig sabihin, isa na itong ‘guni-guni’ o ghost project na dapat nasimulan noong Marso 2024 at natapos sana noong 2024.

Sa kabila nito, walang anumang naitayo o nagawa sa P96.4 milyong halaga ng proyekto na pinondohan mula sa Pambansang Badyet ng 2024.

Base sa tala ng DPWH, nabayaran na noong Hulyo 21, 2024 ang kontratista nito na Wawao Builders kahit hindi naisakatuparan ang proyekto pero deklaradong tapos na.

Nang pinaigting ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang kampanya laban sa mga palpak at hindi ginawang mga proyekto kontra-baha, dito madaliang sinimulan ng nasabing kontratista ang pagpapagawa sa dike na dapat nagawa na noong isang taon.

Naabutan pa ni Dizon na basa pa ang ibinuhos na semento at malambot pa ang bagong tambak na lupa na indikasyon na madalian itong ginawa.

Ayon kay Kapitan Oscar Gabriel ng Sipat, ang proyektong kontra-baha na ito ay dapat magbibigay ng proteksiyon sa 476 na pamilya o katumbas ng 2,004 na mga indibidwal na naninirahan sa Casa Vista, na isang pabahay ng National Housing Authority.

Malaking banta sa mga tagarito ang pag-angat ng tubig sa Angat River sa panahon ng tag-ulan lalo na kapag nagpapakawala ng tubig ang mga dam ng Bustos, Ipo at Angat sa Norzagaray.

Samantala, sinabi rin ni Dizon na titiyakin ng ahensiya na masasampahan ng malalakas na kaso sa Ombudsman ang sinumang taga DPWH, na nasangkot sa pumalpak na proyektong kontra baha.

Sa ngayon, nais ng kalihim na matapos sa tamang pamamaraan at paggawa ang nasabing mga dike habang isinasagawa ang mga imbestigasyon at pagpapanagot sa mga nagpabaya. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here