Dumalo si Makati City Mayor Junjun Binay (kanan) para sa kanyang ama na si VP Jejomar Binay bilang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-113 anibersaryo ng Malolos Congress sa makasaysayang Barasoain Church. Kuha ni Dino Balabo
MALOLOS CITY—Tiniyak ni Makati City Mayor Junjun Binay na hindi maaapektuhan ng planong kandidatura bilang Pangulo sa 2016 ang performance ng kanyang ama bilang Bise Presidente ng bansa.
Ito ang pahayag ng batang Binay matapos katawanin si Vice President Jejomar Binay bilang panaunhing tagapagsalita sa ika-113 guning taon ng pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa makasaysayang simbahan ng Barasoain kahapon.
Ito rin ang ikalawang pagkakataon sa loob ng walong araw na hindi nakarating ang Bise Presidente sa imbitasyon ng Bulacan.
Una ay noong nakaraang Huwebes, Setyembre 8 kung kailan pinasimulan ang taunang walong araw na Singkaban Fiesta sa lalawigan.
Ayon kay Mayor Binay, tutok ang kanyang ama sa kanyang mga trabaho bilang Bise Presidente ng bansa kahit nagpaplano ng kandidatura sa 2016.
“It’s no secret that he is planning to run for the presidency in 2016; as a matter of fact, he was supposed to run last year, but he gave way to the candidacy of President Aquino,” ani ng batang Binay.
Sinabi pa niya na matapos manalo bilang Bise Presidente sa nagdaang halalan ang kanyang ama, isang logical step ay ang kumandidato bilang Presidente.
“A lot of people want him to run for President as it was also his childhood dream,” ani ng batang Binay na ngayon ay alkalde ng Lungsod ng Makati.
Hinggil naman sa posibilidad na pag-endorso ng Pangulo sa kanyang ama, sinabi niya na depende iyon kay Pangulong Benigno Aquino III.
Idinepensa rin ng batang Binay ang dalawang beses na hindi pagdalo sa imbitasyon ng Bulacan.
“It’s just that he had prior obligations,” aniya at sinabing nasa Tuguegarao City kahapon ang kanyang ama para sa pakikipagpulong hinggil sa isang programa sa pabahay.
Iginiit pa niya na nakahanda rin ang kanilang pamilya na tulungan ang Bise Presidente.
“He is not snubbing Bulacan, as a matter of fact, we trace our roots here,” aniya at sinabing ang kanyang ina na na si Elenita ay nagmula sa bayan ng Angat.