Arestado ang tatlo na kinilalang sina Jose Mañez, Pacencia Baltazar at Mary Crystal Baltazar ng Sagrado Familia ng Diyos Ama Foundation International Inc.
Ito ay dahil umano sa modus operandi ng grupo na nagre-recruit ng mga senior citizen sa pangakong bibigyan sila ng buwanang tulong pinansyal na P5,000 kapag sumali sa kanilang foundation.
Sinisingil ang bawat katandaang sumali ng halagang P30 hanggang P60 at umaabot na daw sa 8,000 katao ang sumasali sa nasabing foundation.
Ayon sa PNP kung pagsasamasamahin ang nalikom ay umaabot na sa halos kalahating milyong piso ang nakukuhang pera ng grupo ngunit wala namang nabibigay pa sa kanilang mga ipinangako.
Dahil dito, ay inireklamo na ang foundation kayat sinalakay na ng PNP ang tanggapan nito sa naturang lugar.
Nang hanapan ng mga papeles ay wala umanong maipakita anumang mga dokumento ang nasabing foundation.
Nagsuguran din ang ilan pang mga senior citizen sa tanggapan ng PNP para magsampa ng reklamo laban sa grupo.
Dahil dito ay idinetene sa Malolos City Jail ang mga suspek na nahaharap sa kasong large scale estafa at fraud.
Bukod sa Malolos ay sinasabing nakapag-operate din ang naturang foundation sa Antipolo at Batangas. Depensa naman ng mga inaresto na lehitimo ang kanilang foundation, wala silang ginagawang masama at nais lamang nilang tumulong.
Ipinoproseso pa daw ang kanilang mga papeles at may ugnayan na daw sila ng ilang foreign group na siyang magbibigay ng pondo para sa mga senior citizen.