BALER, Aurora (PIA) — Nananawagan ang Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga magniniyog sa Aurora na magparehistro sa National Coconut Farmers Registry System (NCFRS).
Ito ay upang maging kwalipikadong benepisyaryo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) at iba pang mga programa.
Ayon kay PCA Provincial Coconut Development Manager Juan Milar, ang pagpaparehistro ay alinsunod sa Republic Act 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act na naglalayong itaguyod ang industriya ng niyog sa bansa gamit ang pondo ng coco levy.
Kwalipikadong magparehistro sa NCFRS ang mga may-ari, seasonal worker, at nangungupahan sa mga niyugan na hindi hihigit sa limang ektarya.
Ilan sa mga pribilehiyo na maaaring matanggap ng mga rehistradong coconut farmer ay college scholarship, medical assistance, training at seminar, makahiram ng kapital, at crop insurance.
Bahagi din sa mga programa ng CFIDP ay ang pamamahagi ng hybrid na niyog at pagpapalakas sa mga community-based livelihood tulad ng intercropping, local product development, at pag-aalaga ng mga hayop sa mga niyugan.
Ayon kay Milar, nasa 15,000 coconut farmers o 58 porsyento mula sa 26,000 na kabuuang target ng ahensya sa lalawigan ang nakapagparehistro na sa NCFRS.
Ang mga nagnanais magparehistro ay maaaring magsumite ng registration form sa kanilang tanggapan o sa kanilang opisyal na website na www.pca.gov.ph.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, nananatili ang Aurora bilang nangungunang producer ng niyog sa Gitnang Luzon na may 93.4 porsyentong bahagi sa kabuuang produksyon noong 2021.(CLJD/MAT-PIA3)