LUNGSOD NG ANGELES (PIA) — Madadagdagan ng mahigit sa tatlong libong ektarya ang mga bagong niyugan sa Gitnang Luzon sa susunod na mga taon.
Iyan ang ibinalita ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa idinaos na 6th CARP Regional Trade Fair sa Marquee Mall sa lungsod ng Angeles.
Ayon kay PCA Regional Manager for Regions 1,2,3 at Cordillera Dennis Andres, prayoridad ng ahensiya na simulan sa 2024 ang pagpapatanim ng mga bagong puno ng niyog sa mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija at Zambales.
Pinakamarami ang itatanim na mga tall variety ng niyog sa dalawang libong ektaryang lupa sa Zambales.
Dwarf variety naman ang itatanim sa isang libong ektaryang lupa sa Bataan.
Sa Bulacan, may 50 ektarya ng lupa sa paanan ng bulubundukin ng Sierra Madre ang plano ring taniman.
Mayroon ding target taniman sa lalawigan ng Nueva Ecija na kasalukuyang iniimbentaryo.
Tinatayang nasa 700 libong mga puno ng niyog ang maitatanim sa rehiyon sa susunod na tatlo hanggang limang taon.
Ipinaliwanag ni Andres na bawat isang ektarya ay kayang makapagtanim ng nasa 143 na mga puno.
Kaya’t bukod sa pagkakaloob ng mga punla para maitanim, maglalagak din ang PCA ng mga nursery seedling sa bawat lalawigan kung saan maglalagay ng mga karagdagang niyugan.
May halagang P50 milyon ang inilaan ng PCA para sa proyektong ito na ipinasok sa magiging pambansang badyet ng 2024.
Mas mataas ito sa P20 milyon na nasa sa kasalukuyang pambansang badyet ng 2023.
Ang inilaan na pondo ay mula sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund sa bisa ng Republic Act 11524.
Sa pamamagitan nito, magagamit ng mga magniniyog ang Coco Levy Fund na nakolekta sa produksiyon ng mga niyog mula noong 1972. (CLJD/SFV-PIA 3)